KINUMPIRMA ni Commission on Audit (COA) State Auditor Roderick Wamil na nilagdaan ni Vice President Sara Duterte ang liquidation report kaugnay ng P125 milyong confidential funds na natanggap ng Office of the Vice President (OVP).
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial, kinilala ni Wamil ang pirma ni Duterte sa disbursement voucher, accomplishment report, at OVP certification na iniharap ng House prosecution panel bilang ebidensiya sa Article I ng Articles of Impeachment.
Ayon kay Wamil, sa pamamagitan ng kanyang lagda ay pinagtibay ni Duterte ang legalidad ng cash advance at ng mga gastusing isinagawa sa ilalim ng kanyang pamamahala.
“Ang significance po nung kanyang pirma dito ay kanya pong sinertify na ‘yung purpose po nung kanilang cash advance from the confidential fund ay na-accomplish po ng agency,” ani Wamil.
Lumabas din sa testimonya na ang P125 milyong confidential funds ay na-disburse sa loob lamang ng 11 araw.
Gayunman, sinabi ni Wamil na bagama’t pirmado ni Duterte ang accomplishment report, wala itong nakasaad na mga partikular na aktibidad na isinagawa gamit ang naturang pondo.
Tinukoy rin niya ang isang sertipikasyon na may petsang Enero 10, 2022 kahit ito ay para sa ikaapat na quarter ng 2022 at na-notaryo lamang noong Enero 16, 2023.
Sa isa pang bahagi ng kanyang testimonya, sinabi ni Wamil na naglista ang OVP ng P40 milyong confidential expenses para sa medical at food aid, gayundin ng P10 milyon para sa incentives o travelling relative to confidential operations.
Nilinaw niya na ang mga naturang gastusin ay hindi kabilang sa mga pinapayagang paggamitan ng confidential funds sa ilalim ng Item 4.8 ng Joint Circular No. 2015-01.
Bukod dito, sinabi ni Wamil na nabigo ang OVP na magsumite ng mga dokumentong magpapatunay na ang mga impormasyong ibinigay ng mga informer ay nagresulta sa matagumpay na intelligence gathering o surveillance operations.
“Aside from this accomplishment report, hindi po sila nagsubmit ng any document evidencing the success of the information-gathering or surveillance activities on account of the information given by the informer,” ani Wamil.
Dahil sa mga kakulangan at umano’y hindi pagsunod sa Joint Circular No. 2015-01, sinabi ni Wamil na naghanda siya ng Audit Observation Memorandum laban sa Office of the Vice President.
(TINA MENDOZA)
79 