BARMM BILL 149, TINAWAG NA ANTI-KABABAIHAN

LUMAHOK ang mga kinatawan ng kababaihan sa nagkakaisang hanay ng 54 na sektoral na organisasyon nang ilunsad nila ang kilos-protesta sa Cotabato City upang kondenahin ang “diskriminatoryong” mga amyenda sa BARMM Poll Code.

UMAPELA ang mga sectoral group sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) na busisiin at ibasura ang mga probisyong anila’y diskriminatoryo sa panukalang amyenda sa Bangsamoro Electoral Code (BEC).

Sa petisyong isinumite sa BTA, iginiit ng 54 na organisasyon na ang BTA Bill 149 ay naglalaman ng mga probisyong “lubhang katutol-tutol, ilegal, at di-makatarungan.”

Kabilang sa kanilang tinututulan ang panukalang bawasan ang representasyon ng kababaihan sa mga nominasyon ng mga rehiyonal na partidong pulitikal—mula 30 porsiyento na itinakda ng kasalukuyang BEC tungo sa 20 porsiyento sa panukalang amyenda.

“Ang panukalang pagbaba ng quota mula 30 porsiyento tungong 20 porsiyento ay pag-urong sa ipinangakong repormang elektoral. Pinahihina nito ang representasyon at minamaliit ang kalagayan ng kababaihan,” pahayag ng mga grupo.

Pinaalalahanan nila ang pamahalaang BARMM na kinilala ito sa pagpasa ng mga batas na may pagtugon sa usaping pangkasarian, lalo na ang Bangsamoro Electoral Code na nagtatakda ng 30 porsiyentong quota para sa kababaihan sa nominasyon ng mga partido.

“Ito ay bunga ng matagal na pakikibaka ng mga organisasyon ng kababaihan sa rehiyon, sa bansa, at maging sa pandaigdigang antas,” dagdag nila.

Aniya, ang pagbabawas nito sa 20 porsiyento ay “matinding dagok” sa sektor ng kababaihan dahil pinalalabnaw nito ang kanilang representasyon bago pa man ganap na maisakatuparan ang umiiral na mga pananggalang sa batas.

Tinawag din nilang “hakbang paatras” ang panukalang amyenda, na umano’y hitik sa pagkiling laban sa kababaihan at muling itinutulak sila sa gilid ng pulitika at pamamahala.

Para sa mga kababaihang Moro, ayon sa kanila, ang quota ay pansamantalang hakbang lamang upang iwasto ang matagal nang kakulangan ng representasyon at mga sistemikong balakid na humahadlang sa kanilang ganap na pakikilahok sa pulitika at pamahalaan.

Mariin ding tinutulan ng mga grupo ang panukalang pagbawi sa lahat ng naunang ipinagkaloob na sertipikasyon sa mga sektor na organisasyon, na anila’y lalabag sa nakamit na karapatan at sa garantiya ng Konstitusyon sa due process.

“Kapag ang mga sektor na organisasyon ay nakasunod na sa lahat ng rekisito sa ilalim ng Bangsamoro Electoral Code, sa mga tuntunin nito, at sa proseso ng Bangsamoro Registration and Accreditation Committee at ng Comelec en banc, ang kanilang akreditasyon ay hindi na maaaring ituring na pribilehiyong puwedeng bawiin anumang oras,” pahayag nila.

Ayon sa mga grupo, umabot ng halos dalawang taon ang proseso ng sertipikasyon at akreditasyon ng 187 sektor na organisasyon, kaya’t hindi ito maaaring basta-bastang ipawalang-bisa sa pamamagitan lamang ng isang batas.

Tinuligsa rin nila ang panukalang sabay na idaos ang halalan ng mga kinatawang sektor sa mismong araw ng halalang parlamentaryo at idaan ito sa automated election system.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang mga kinatawang sektor sa Parlamento ay pinipili sa pamamagitan ng mga asembleyang ipinapatawag ng mga rehistrado at akreditadong organisasyon ng kababaihan, kabataan, mga naninirahang settler, mga Ulama, tradisyunal na lider, at mga non-Moro indigenous peoples (NMIP).

Ngunit sa panukalang amyenda, nakasaad na ang halalan ng mga kinatawang sektor—maliban sa NMIP, Ulama, at mga tradisyunal na lider—ay isasabay sa halalang parlamentaryo at isasagawa sa pamamagitan ng automated election system.

“Sa malinaw na pagbasa sa panukalang ito, ang mga kinatawan ng kababaihan, kabataan, at settler ay ihahalal na sa mismong araw ng halalang parlamentaryo at hindi na sa pamamagitan ng mga asembleya ng sektor,” giit ng mga grupo.

Nagbabala sila na ang mga probisyong ito ay maaaring gamiting palusot upang muling ipagpaliban ang unang Bangsamoro Parliamentary Election.

“Sa kabuuan, ang mga panukalang amyenda ay mga babalang senyales at maaaring magsilbing dahilan upang ipagpaliban muli ang pinakahihintay na halalan sa Parlamento ng Bangsamoro,” pahayag nila. (TB)

2

Related posts

Leave a Comment