PARA kay Quezon City mayoralty candidate Mike Defensor, hindi sapat ang alyansa nina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Vice President Leni Robredo para talunin siya sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Katwiran ni Defensor, inaasahan niyang babasbasan ni Robredo ang nakaupong alkalde ng lungsod na puntirya niyang pamunuan kapalit ni Belmonte, kasabay ng pahayag na matagal na nilang napaghandaan ang naturang eksena sa lokal na antas ng pulitika.
Giit pa niya, walang epekto ang anunsyong alyansa sa pagitan nina Robredo at Belmonte.
“We expected their alliance from the start because they (Belmonte and Robredo) go back a long way,” ani Defensor. Taong 2016, sinuportahan ng pamilya ng nakaupong alkalde ng QC ang kandidatura ni Robredo na noo’y tumatakbo sa posisyon ng pangalawang pangulo laban kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Hindi hamak aniyang mas malakas ang UniTeam nina Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte na nag-endorso sa kanyang kandidatura.
“Our projection is that the Marcos-Duterte tandem could receive up to 64 percent of the votes in Quezon City, depending on the number of people that will actually go out and cast their ballots on May 9,” ani Defensor.
Batay sa datos ng Commission on Elections (Comelec), nasa 1.4 milyon ang rehistradong botante sa naturang lungsod.
Sa pinakahuling resulta ng Pulse Asia survey, nananatiling nangungunang presidential candidate si Marcos na nakapagtala ng 56%, habang 24% lang ang pabor kay Robredo. (BERNARD TAGUINOD)
418
