HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) at ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na pag-aralan ang mga rekomendasyon ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng United States sa pagbabalik ng face-to-face classes.
Sa pahayag, tinukoy ni Gatchalian ang isang artikulo mula sa mga eksperto ng CDC nitong Enero 2021. Base sa kanilang rekomendasyon, ang muling pagkakaroon ng face-to-face classes ay posible kung mapipigilan ang pagkalat ng virus sa mga komunidad at patuloy na ipatupad ang mga health protocol.
Kabilang dito ang regular na paghuhugas ng kamay, paggamit ng alcohol, pagsuot ng face mask, at pagpapatupad ng social distancing.
“Kung papayagan lang naman natin ang mga batang lumabas ng kanilang bahay, mas mainam na lang na sa eskwelahan na lang sila magpunta. May malaking maitutulong pa sa kanilang kapakanan kung magagabayan sila nang personal ng kanilang mga guro sa kanilang aralin at makakasalamuha pa nila ang kanilang mga kamag-aral,” pahayag ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Lumabas sa ulat ng mga taga-CDC na sa loob ng siyam (9) na linggo sa mga huling buwan ng 2020, naitala sa labing-isang (11) school districts sa North Carolina na sa siyamnapung libong (90,000) mag-aaral at mga kawani, tatlumpu’t dalawa (32) lamang ang naging kaso ng COVID-19 sa mga paaralan. Samantalang umabot sa halos walong daang (773) kaso ang naitala sa mga komunidad.
Sa labing pitong (17) paaralan naman ng elementary at high school sa Wisconsin, kung saan mahigpit ang regulasyon sa pagsusuot ng face mask, pito (7) lamang sa halos dalawang daang (191) naitalang mga kaso sa mga mag-aaral at mga kawani ang napatunayang nagmula sa mga paaralan. Ang datos na ito ay nakalap sa loob ng labing-tatlong (13) linggo sa mga huling buwan ng 2020.
Para kay Gatchalian, ang pagkakaroon ng ligtas na pagbabalik-eskwela ay tutugon sa mga problema sa distance learning tulad ng mahinang internet connection at kakulangan ng pakikipag-ugnayan sa mga guro.
Muli ring nanawagan si Gatchalian na bigyang prayoridad ang mga guro sa pagpapabakuna kontra COVID-19. (ERNIE REYES)
170
