QUEZON – Patay ang isang menor de edad na babae matapos halayin at saksakin sa dibdib gamit ang isang screw driver ng pamangkin ng may-ari ng kanilang tinutulugang bahay sa Barangay Del Rosario, sa bayan ng Lopez sa lalawigan.
Ayon sa mga pulis, ang dalawang bata ay pansamantalang nakatira sa bahay ng tiyahin ng suspek, habang ang kanilang ina ay nagtatrabaho sa Maynila.
Ipinagkatiwala umano ng ina ng mga bata ang dalawa dahil kaibigan nito ang guardian na tiya ng suspek.
Batay sa report ng Lopez Police, nangyari ang insidente habang ang magkapatid ay magkatabing natutulog sa bahay ng kanilang guardian madaling araw nitong Martes.
Lumabas sa imbestigasyon, bandang alas-1:30 ng madaling araw nang madiskubre ng kapatid ng biktima, ang duguang katawan nito sa kanilang tinutulugan, kaya agad humingi ng saklolo sa kanilang guardian.
Mabilis itong isinugod sa Quezon Provincial Hospital Network – Magsaysay sa Lopez, ngunit idineklarang wala nang buhay ng doktor.
Ayon sa mga imbestigador, ang suspek ay ang 19-anyos na garbage collector na pamangkin mismo ng kanilang guardian na doon din natutulog sa naturang bahay.
Lasing umano ang suspek nang gawin ang krimen. Pinuntahan umano nito ang tinutulugan ng dalawang bata at doon ay ginahasa ang biktima at pagkatapos ay sinaksak sa dibdib,
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek na nahaharap sa kasong rape with homicide.
(NILOU DEL CARMEN)
192 