LAGUNA – Patay ang isang 4-anyos na batang lalaki matapos masagasaan ng ambulansya sa gasoline station sa National Highway, Brgy. Macabling, Sta. Rosa City sa lalawigang ito, noong Sabado ng hapon.
Ayon sa Sta. Rosa City Police, ang biktima ay kasama ng kanyang pamilya at iba pang mga miyembro ng indigenous people na mga Badjao at namamahinga sa gasolinahan nang mangyari ang insidente dakong alas-3:30 ng hapon.
Papasok sa gasolinahan ang ambulansya na pag-aari ng pamahalaang barangay ng Pulong Santa Cruz, Sta. Rosa City, nang biglang tumakbo ang bata papalapit sa nasabing sasakyan.
Huli na nang mapansin ito ng driver ng ambulansya na matapos mabundol ay nagulungan pa ng nasabing sasakyan.
Mabilis itong isinugod ng driver sa Sta. Rosa Community Hospital subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Nasa kustodiya ng Sta. Rosa City Police ang driver habang nag-uusap pa ang pamilya ng bata at ang panig ng nagmamaneho.
(NILOU DEL CARMEN)
268