BATA NALUNOD, 1 PA MISSING SA SWAMP SA LAGUNA

LAGUNA – Isang bata ang nalunod habang isa pa ang nawawala nang maligo ang mga ito sa malalim na hukay na mayroong tubig sa Sitio Cataquiz, Brgy. San Antonio, San Pedro City sa lalawigan.

Kinilala ang nalunod sa pangalang “DJ”, 13-anyos, habang hindi pa natatagpuan ang isang pang biktima na nagngangalang “Justin”, 10-anyos, Grade 5 student, kapwa residente ng nasabing barangay.

Ayon sa report ng San Pedro City Police, nangyari ang insidente dakong alas-2:00 ng hapon noong Biyernes.

Ayon sa isang batang nakaligtas, nagkayayaan silang tatlo na maligo sa swamp na puno pa ng tubig-baha.

Una umanong nalunod si Justin matapos na ito ay lumusong sa swamp.

Nang makita namang nalulunod si Justin, tinangka itong sagipin ni DJ subalit nawala rin ito sa tubig.

Dakong alas-6:00 ng hapon nang ma-recover ng nagrespondeng mga tauhan ng CDRRMO at BFP at mga opisyal ng barangay, ang katawan ni DJ na isinugod pa sa ospital, subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Patuloy pang pinaghahanap ang nawawalang isa pang biktima. (NILOU DEL CARMEN)

587

Related posts

Leave a Comment