LAGUNA – Namatay ang isang bata gayundin ang isang suspek, habang dalawang pulis at isang sibilyan ang nasugatan nang mauwi sa engkwentro ang operasyon ng paghahain ng warrant of arrest sa Calamba City noong Miyerkoles ng umaga.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 4A, nangyari ang insidente dakong alas-11 ng umaga sa Purok 5A, Barangay San Cristobal, Calamba City, habang nagsasagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Warrant Section ng Calamba City Police Station laban sa provincial most wanted person na may warrant of arrest para sa kasong homicide na inisyu ng RTC Branch 103, Calamba City.
Habang papalapit ang mga operatiba sa bahay ng suspek, biglang sumulpot ang isang armadong lalaki, na pinaniniwalaang kasabwat ng akusado, at agad pinaputukan ang mga pulis dahilan upang gumanti ng putok ang mga ito.
Sa gitna ng palitan ng putok, tinamaan ng bala ang isang 4-anyos na bata na agad isinugod sa pagamutan ngunit idineklarang wala nang buhay.
Nasugatan naman ang dalawang miyembro ng Calamba City Police Station na sina Police Chief Master Sergeant Alberto Plaza at Police Staff Sergeant John Principe.
Sugatan din ang isa pang 52-anyos na babaeng sibilyan at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Calamba Doctors Hospital.
Samantala, napatay rin sa engkwentro ang suspek na nakilala bilang si alyas “Romar Awid”, habang ang iba pa niyang kasamahan ay nakatakas at patuloy ngayong tinutugis ng mga awtoridad sa isinasagawang hot pursuit and dragnet operation.
(NILOU DEL CARMEN)
