BATAS VS TEENAGE PREGNANCY ITINUTULAK NI REP. NOGRALES

Rep Fidel Nograles-4

(Ni KIKO CUETO)

ITINUTULAK ng isang mambabatas ang panukalang batas na naglalayong turuan ang mga kabataan na mabigyan ng “sapat at komprehensibong impormasyon na makatutulong sa kanila para umiwas sa maaga at hindi sinasadyang pagbubuntis.”

Sa House Bill 5516 o kilala bilang “Prevention of Adolescent Pregnancy Act of 2019”, hihikayatin din ang mga nabuntis na kabataan na magbalik sa pag-aaral nang walang anumang mararanasang diskriminasyon.

“Para du’n sa mga da­ting mahirap, ang pagbabalik sa pag-aaral ay hindi na isang mahalagang pagpipi­lian at ang paghahanap ng trabaho ang alternatibong mas pinagtutuunan para mabuhay,” ani Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles.

“Kapag walang edukasyon at kasanayan, nangangahulugan ito ng mababang sahod at maikling termino ng trabaho para sa mga kabataang magulang at samakatuwid, hindi rin nila masyadong pinag-uukulan ng pansin ang kalusugan, nutrisyon at kalaunan ang edukasyon ng kanilang mga anak. Kapag nagpatuloy ito, ang mga batang magulang at kanilang anak ay mananati­ling nakagapos sa tanikala ng kahirapan,” dagdag niya.

Ayon sa datos ng Philip­pine Statistics Authority (PSA), tinatayang nasa 538 na sanggol ang ipinapanganak sa isang araw ng Filipino teenage mothers.

Ang gobyerno kamakailan ay nagbabala kaugnay sa lumulobong kaso ng teenage pregnancy, kung saan sinabi ni Socio-economic Planning Secretary Ernesto Pernia na ang lumalaking problema ukol dito ay negatibong naapektuhan ang pang-ekonomiyang pag-unlad ng bansa.

Sa buong Southeast Asia, ang Pilipinas ay nakapagtala ng mataas na rekord ng maagang pagbubuntis sa mga kabataan.

Ikinababahala ni Nograles ang laganap na kaso ng maagang pagbubuntis ay lumilikha ng agwat sa pagitan ng batang magulang at mga serbisyong pangkalusugan, nutrisyon, edukasyon at kasanayan na inaasahang magiging kapaki-pakinabang sa kanilang hinaharap pagdating sa pag-unlad at kita.

Nakapaloob din sa naturang batas na kailangang mahikayat ang mga batang magulang na magpatuloy at magtapos sa kanilang pag-aaral para magamit sa pagpapahusay ng kanilang buhay, madagdagan ang kanilang kakayahan, mas mapaunlad at mapalawak ang kaalaman sa angking husay na makatutulong sa kanilang pag­de­desisyon kapag sila’y sumapit na sa hustong gulang.

Ipinaliwanag pa ng kongresista, “dapat nating simulan ang pagbusisi ukol sa isyu ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan na may kaparehong antas o kagyat na solusyon sa mga kaakibat nitong dahilan gaya ng kahirapan, edukasyon at access sa reproductive health services.”

“Kung hindi man, lahat ng ating pagsisikap, kasama ang paghubog sa potensiyal ng ating mga lider sa hinaharap at lakas-paggawa ng ating bansa, lahat ng ito ay masasayang kung hahayaan nating manakaw sa ating mga anak ang magandang kinabukasan bunsod ng maagang pagbubuntis.”

Para makatulong sa pagtugon sa alalahaning ito, ang Philippine Legislators’ Committee on Population and Development ay naglunsad kamakailan ng kampanyang “No More Children Having Children” sa pakiki­pagtulungan ng United Nations Sustainable Development Solutions Network at Population Commission (PopCom).

“Kasama ang government agencies, civil society organizations at iba pa ­nating partners, dapat ay sama-sama itong pagtuunan ng pansin at magtulungan para harapin ang usaping ito. Panahon na upang iligtas natin ang mga kabataan mula sa nakapipinsalang epekto ng teenage pregnancy at mapatatag ang proteksiyong panlipunan para sa mga batang magulang,” huling pahayag ni Nograles.

446

Related posts

Leave a Comment