MAGING si Senador Bato dela Rosa ay naniniwalang pulitika ang nasa likod ng mga atake kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng Teleradyo noong Linggo, sinabi ni dela Rosa na kahit ang Commission on Audit (COA) ay walang sinasabing may katiwalian sa paggastos ng bise presidente sa P125-million confidential funds nito noong 2022.
Ngunit ito ang ginagamit na sandata ng kanyang mga kritiko upang sirain siya sa publiko.
“Bakit, sinabi ba ng COA na mali ‘yun? Hindi naman sinabi ng COA na ‘yan ay corruption. Observation lang ng COA na naubos within that period of time,” ayon sa senador.
Kaya naman, para sa kanya ay may halong pamumulitika ang mga batikos kay Duterte lalo pa’t isa ito sa mga matunog na tatakbo sa 2028 presidential elections.
“Sigurado ‘yan, kapag bunga ang kahoy ay maraming bunga, ito’y binabato. So that’s klarong pamumulitika ‘yan. Pamumulitika. ‘Di naman lumabas ‘yung issue na ‘yan noong panahon [na] ang vice president ay miyembro ng opposition,” ayon pa kay dela Rosa.
“Pero ngayon, masyadong maingay at ‘di lang opposition. Pati na rin ‘yung mga pupwedeng maging apektado sa pagtakbo ni Vice Mayor bilang pangulo sa coming elections, most likely may pulitika. May halong pulitika,” pahayag pa ng senador.
Mainit pa rin ang isyu sa P125 milyon confidential fund na pinasa ng Office of the President sa tanggapan ni Duterte lalo pa’t nabunyag na 11 araw lamang itong ginastos.
Lumalabas na gumastos ang OVP ng P11,363, 636.4 kada araw.
(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
236