BINATIKOS ng Malakanyang si Senator Ronald ”Bato” dela Rosa nang sabihin nito na kinokonsidera niya na magtago na lamang kaysa sa sumuko sa International Criminal Court (ICC) sa oras na magpalabas na ng warrant of arrest laban sa kanya.
“Hindi po natin sinasang-ayunan ang ganoong klase pong paniniwala at kanyang nais gawin,” ang sinabi ni Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Hindi po ito makakabuti sa mga kababayan natin na mismong lider natin ay hindi haharapin ang anumang kaso o complaint na naisampa o maisasampa laban sa kaniya,” ang sinabi pa rin ni Castro.
“Nakakapagtaka lamang po na siya ay dati pang PNP Chief, iyan po ba ang gusto niya ring ipahiwatig sa taumbayan na kapag may warrant of arrest ay dapat magtago. Hindi po talaga tayo magtataka kung bakit natagalan sumuko or nahuli ang dating si Pastor Quiboloy,” ang pahayag pa rin ni Castro.
Sa ulat, sinabi ni Senator Bato na wala siyang balak na sumuko o magpahuli at sa halip ay magtatago na lamang sakaling magpalabas na ng warrant of arrest ang ICC laban sa kanya.
Ipinunto ni dela Rosa ang kawalan ng hustisya sa bansa kaya walang dahilan para isuko ang sarili.
“Well, kung wala tayong makita na hustisya dito sa ating bansa, bakit ka susuko? ‘Di ba?” ani dela Rosa sa mga mamamahayag.
Nang tanungin kung balak niyang magtago sa mga awtoridad, inamin ni dela Rosa na kasama ito sa kanyang plano.
“Kasama ‘yan, kasama ‘yan. Kasama ‘yan sa courses of action natin,” ani dela Rosa.
Nauna rito, inihayag ni dela Rosa na handa siyang magpaaresto upang madala rin sa The Hague, Netherlands at maalagaan sa detention facility ng ICC si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong “crimes against humanity”.
“I am ready to join the old man hoping that they would allow me to take care of him,” wika niya isang araw matapos maaresto si Duterte. Si dela Rosa ang dating hepe ng PNP noong ipatupad ang madugong war on drugs ni Duterte.
Kabilang din sa balak ni dela Rosa ang magpakupkop sa Senado lalo pa’t tiniyak sa kanya ni Senate President Francis Escudero na hindi siya maaaring arestuhin sa loob ng Senado habang may sesyon.
(CHRISTIAN DALE)
