INIREKLAMO ni House Deputy Speaker Vincent Franco “Duke” Frasco ng Cyber Libel ang journalist na si Rigoberto Tiglao.
Nag-ugat ang reklamo matapos akusahan ni Tiglao sa kanyang artikulo sa The Manila Times na tumanggap ng suhol si Frasco para lumagda sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Frasco, walang katotohanan sa mga akusasyon ni Tiglao at layon nitong bahiran ang kanyang reputasyon bilang House Deputy Speaker.
Iginiit ni Frasco na ang kanyang pasya na lumagda sa impeachment complaint ay ibinase sa kanyang prinsipyo at commitment sa kanyang constituents.
“I can categorically say that my vote was based on my principles and my own determination on what is best for my constituents in my district. My vote and my principles are not for sale,” ayon sa mambabatas.
Bagaman nirerespeto ang papel ng media sa bansa, kinondena ni Frasco ang aniya’y “reckless actions” ni Tiglao.
Una nang humingi ng paumanhin ang Manila Times noong February 19, 2025, at inako ang anila ay “misleading nature” ng artikulo ni Tiglao.
Sa nasabing paumanhin, tinawag ng Manila Times na “false” at “reckless” ang mga inilahad sa artikulo at inamin na dahil hindi naberipika ang artikulo ay nagdulot ito ng pinsala sa reputasyon ni Frasco.
Si Frasco ay nagsimula sa pulitika bilang alkalde sa Liloan, Cebu noong 2007 hanggang 2016. Nagsilbi rin siyang Vice Mayor sa lugar at naging Commissioner ng Cebu Ports hanggang 2019. At naging mambabatas simula taong 2019.
Sa panahon ng kanyang pagiging kongresista, sinabi ni Frasco na nakasentro ang kanyang serbisyo sa pagbibigay ng educational opportunities, medical assistance, trabaho, livelihood, at iba pang makatutulong sa pag-unlad ng pamumuhay ng kanyang nasasakupan. “My service has been marked by initiatives designed to advance educational opportunities, provide medical assistance, create economic pathways through employment and livelihoods, and foster long-term community development through infrastructure projects and improved health and education facilities,” aniya.
“My record speaks for itself—a commitment to integrity, transparency, and my district’s welfare.” dagdag pa ni Frasco.
