NANAWAGAN si Senadora Mary Grace Poe sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na huwag nang patagalin ang pagbabayad ng P28 bilyon sa mga pribadong ospital.
Ani Poe, nararapat lamang na pabilisin ng pamunuan ng PhilHealth ang pagbabayad sa mga pribadong ospital dahil kailangan din naman ng pondo ng mga pagamutan para sa kanilang operasyon at pangangailangan ng mga pasyente, partikular sa mga mayroong coronavirus disease-2019 (COVID-19).
Ipinahayag ito ni Poe bilang pagmamalasakit at pagtindig para sa Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) na ilang ulit nang nananawagan sa PhilHealth tungkol sa P28 bilyong bayarin ng huli.
Ayon kay PHAPI president Jose de Grano, umabot na sa P26 bilyon hanggang P28 bilyon ang singilin ng 114 pribadong ospital sa PhilHealth hanggang noong Disyembre 2020.
Ang 114 ospital ay nakabase sa Metro Manila (MM).
Kaya, posibleng hindi pa rin nababayaran ng PhilHealth ang mga pagamutan sa mga lalawigan. (NELSON S. BADILLA)
