WALANG masama kung batikusin ang pamahalaan sa mga kapalpakan nito sa mamamayan.
Karapatan naman ng bawat Filipino ito alinsunod sa itinakda ng Saligang – Batas.
Kaso, mayroong mga samahan na mayroong ‘regular’ na binabanatang sektor at kumpanya.
Dito ako nagtataka.
Ang tinutukoy ko ay ang Bayan Muna party – list na pinamumunuan nina Atty. Neri Colmenares at Representative Carlos Isagani Zarate, at ang Matuwid na Singil sa Kuryente Consumer Alliance, Inc. (MSK) na pinamumunuan naman ni David Celestre Tan.
Napapansin ko na mistulang nagkakasundo at nagkakaisa sina Colmenares, Zarate at Tan laban sa administrasyong Duterte.
Marami ring pagkakataon na nagsasanib – puwersa ang mga ito upang upakan ang pamahalaan.
Ang pinakabagong isyu na kanilang pinuntirya ay ang Quezon Power Philippines Ltd. (QPPL) kung saan pinaiimbestigahan ito dahil sa mataas na generation charge na ipinapataw sa mga kustomer ng Manila Electric Company (Meralco).
Iginigiit ni Tan na dapat daw ay nagkaroon din ng pagbaba sa presyo ng generation charge ang QPPL dahil sa pagbaba ng presyo ng coal sa merkado na siyang pinagkukuhanan nito ng kuryente.
Pag-aari ng Egco group ng Thailand ang naturang planta.
Ito ang nagmamay-ari sa Mauban coal-fired power plant sa Mauban, Quezon na may kapasidad na 460 Megawatt (MW).
Nakipag-usap at kinumbinsi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang QPPL na mamuhunan sa Pilipinas bilang hakbang sa pagsiguro na mayroong sapat na supply ng kuryente sa bansa.
Tapos, binatikos ni Tan.
Hindi ko maaruk ang takbo ng kokote ni Tan.
Ayon sa Meralco, ang presyo ng kuryente nitong Disyembre ay naitalang ikalawa sa pinakamababang presyo ng kuryente mula noong Setyembre 2017.
Kahit nitong 2020 ay sunud-sunod na bumaba ang presyo ng kuryente.
Kung susumahin ang kabuang nabawas sa singil sa kuryente nitong 2020 ay umaabot ito sa P1.39 kada kilowatthour (kWh).
Isama pa rito ang mas pinababang presyo ng kuryente ng Meralco kasabay sa pagpapalawig sa implementasyon polisiyang “No Disconnection” hanggang Enero 31,2021.
Bunsod nito, ang operasyon ng Meralco sa pagpuputol sa serbisyo ng kuryente ng mga konsyumer na hindi nakakabayad sa tamang iskedyul ng kanilang buwanang nakonsumong kurynte mula Abril ay mananatiling suspendido batay sa desisyon ng pamunuan ng Meralco.
Ngunit, tila hindi ito sapat para sa Bayan Muna.
Bagamat pinasalamatan at pinuri nila ang hakbang na ito ng Meralco, hiniling nito na palawigin pa ang no disconnection ng anim na buwan.
Ibinigay na nga ng Meralco ang kanang kamay nito, pati kaliwa ay gusto pang hablutin ng Bayan Muna.
Sa unang tingin, makatutulong naman talaga sa mga konsyumer kung pahahabain at patatagalin pa ng anim na buwan ang ‘di nila pagbabayad ng mga nakonsumong kuryente mula pa noong Abril, ngunit kailangan ding isaalang-alang ang kapakanan ng Meralco at ng iba pang miyembro ng industriya.
Kailangan nilang makakolekta rin ng bayad mula sa mga konsyumer dahil ang kuryenteng kanilang ipinapamahagi sa mga kunsyumer ay binayaran ng kumpanya nang buo sa mga supplier nito.
Kung hindi makasisingil nang maayos ang Meralco, maaari itong makaapekto sa kakayahan nitong makabayad ng kuryente sa mga supplier.
Kapag nangyari ito, tayong mga konsyumer din ang maaapektuhan.
Kapag nasira ang magandang sistema ng supply ng kuryente sa bansa, pihadong makakaepekto ito sa katatagan ng ekonomiya ng bansa.
Kapag kinulang tayo ng supply ng koryente, hindi masusuportahan ang programang “Build, Build, Build” (BBB) ni Duterte.
Hindi naman kaila sa lahat na ngayon pa lamang nag-uumpisang bumangon ang ating ekonomiya mula sa matinding epekto ng pandemyang COVID-19.
Kapag kinulang ng supply ng kuryente sa bansa, malaki ang posibilidad na bumalik tayo sa sitwasyon noong 1990’s kung saan madalas magkaroon ng malawakan at matagal na brownout.
Tataas din ang presyo ng kuryente dahil sa kakulangan ng supply ng kuryente.
Kapag nangyari ‘yan, tiyak na lalong mahihirapan ang mga konsyumer.
Hindi dapat mangyari ang masamang epektong ito sa ating bansa ngayong 2021.
Ang pagkakaroon ng maayos na supply ng koryente sa bansa na abot-kaya ng mamamayan ay isang senyales ng pagkakaroon ng lumalagong ekonomiya.
Tila hindi napag-isipang mabuti ng maka-kaliwang Bayan Muna ang mungkahing ito.
Bagamat malaking tulong sa mamamayan ang patuloy na pautay-utay na pagbabayad ng kuryente, kailangan namang hanapan ng solusyon na magiging balanse ang mga isyung nakaugnay sa kuryente.
Batid naman ng pamahalaan at ng industriya ng kuryente na matindi talaga ang epekto ng pandemya sa mga konsyumer.
Ito ang dahilan kung bakit patuloy itong nagtutulungan upang mas mapababa pa ang presyo ng kuryente sa Pilipinas.
Tandaan na ang isang paktor na makapagpapabilis sa pagbangon ng ating bansa mula sa epekto ng pandemya, mahalaga ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mamamayan, negosyo at pamahalaan.
Kailangan natin alalahanin ang kapakanan ng bawat isa.
Ito ang susi sa muling pag-unlad ng ating bansa.
208
