BAYAN MUNA LAGLAG SA KONGRESO

SA unang pagkakataon mula nang lumahok sa party-list election dalawang dekada na ang nakararaan, hindi nakapasok sa Kongreso ang Bayan Muna.

Batay sa pinakahuling partial and unofficial count, mawawalan ng pwesto ang Bayan Muna party-list sa susunod na Kongreso matapos malaglag sa ika-64th puwesto sa nakaraang halalan.

Kasama ang Bayan Muna sa dalawang party-list group na tatlo ang kinatawan sa Kongreso ngayong 18th Congress na bihirang makuha ng ibang partido.

Ang Bayan Muna ang unang partido ng mga progresibong grupo at kalaunan ay naitayo ng mga ito ang Gabriela, ACT Teachers at Kabataan party-list na pawang nakakuha ng tig-isang silya sa 19th Congress.

Kasama rin sa party-list group na itinatag ng Makabayan bloc ang Anakpawis subalit otomatikong mabubura na ang partido matapos makatikim ng dalawang sunod na talo habang unang talo naman ito ng Bayan Muna mula nang lumahok ang mga ito sa party-list election.

Isinisi ng nasabing grupo ang kanilang kabiguang makapasok sa 19th Congress kay outgoing President Rodrigo Duterte dahil pinag-initan umano nito ang mga progresibong grupo sa nakaraang limang taon.

“Sa pangunguna ni Pangulong Duterte at sa pamamagitan ng kanyang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), limang taon na walang humpay na red-tagging, paninira, panunuhol, pananakot, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, at pagpaslang ang naranasan ng mga lider at kasapi ng mga progresibong partylist,” ayon sa nasabing grupo.

Bukod dito, sinisi rin nila ang Commission on Elections (Comelec) at Korte Suprema sa unti-unting pagkawala ng boses ng mga marginalize sector sa Kongreso matapos payagan ang mayayaman na lumahok sa nasabing sistema.

“Resulta ito ng matagal nang paglabusaw sa sistemang party-list. Mula nang payagan ng Comelec at Korte Suprema ang paglahok ng mga bogus na party-list, naghari na ang pera at makinarya ng mga political dynasty at malalaking negosyo para dagdagan ang kanilang mga kinatawan sa Kongreso,” ayon pa sa grupo. (BERNARD TAGUINOD)

212

Related posts

Leave a Comment