SA loob lamang ng dalawang linggo ay tatlong bagyo ang dumaan at nanalasa sa rehiyon ng Bicol at sa Timog na bahagi ng Luzon. Ang isa rito ay ang bagyong Rolly, ang tinaguriang pinakamalakas na bagyo sa mundo ngayong 2020.
Matapos ang pananalanta ng nasabing bagyo ay muli na namang nasaksihan ang kultura ng bayanihan upang agad na maibalik ang supply ng kuryente sa mga lugar na napinsala ng mga nasabing bagyo – ang rehiyon ng Bicol at ang CALABARZON.
Mabigat mang trabaho ang pagsasaayos ng mga pasilidad na nasira noong bagyo, desidido naman ang sektor ng kuryente na pagsumikapang maibalik ang supply sa mga nasabing probinsya bago sumapit ang Pasko.
Kaugnay nito, 11 na electric cooperative mula sa Leyte at Samar ang nagpadala ng 97 na lineman upang matulungan ang Philippine Rural Electrification Association, Inc. (Philreca) na ang layunin ay maibalik ang supply ng kuryente sa Albay sa lalong madaling panahon.
Ang mga linemen ay mula sa mga sumusunod na kooperatiba ng kuryente: DORELCO, LEYECO II, III, IV, at V, BILECO, at SOLECO na mula sa Leyte; at ESAMELCO, SAMELCO I, SAMELCO II, at NORSAMELCO na mula naman sa Samar.
Bagama’t hindi na kasama ang rehiyon ng Bicol sa lugar na nasasaklaw ng serbisyo ng Meralco, sa pakikipag-ugnayan nito sa Department of Energy (DOE), National Electrification Administration (NEA), Philreca, at iba pang electric cooperative sa Bicol, ang Meralco ay nagpadala pa rin ng 206 na kinatawan na binubuo ng mga engineer at lineman upang tumulong sa pag-aayos ng mga pasilidad na nasira ng bagyong Rolly sa mga probinsya ng Albay, Catanduanes, at ilang bahagi ng Camarines Sur.
Animnapu’t lima (65) sa mga ito ay ipinadala sa Bicol upang tulungan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa pagbabalik ng supply ng koryente sa nasabing lugar.
Bukod sa pagtulong sa pag-aayos ng mga nasirang pasilidad sa mga probinsyang nasalanta ng bagyo, ang MVP Group of Companies, sa pamumuno ni Chairman Manuel V. Pangilinan, ay nagpadala rin ng iba pang tulong.
Ang Alagang Kapatid Foundation, Inc. (AFKI) ay naghatid ng serbisyo gaya ng libreng charging para sa mga residenteng walang suplay ng kuryente gamit ang mga generator set mula sa Meralco.
Namigay din ang Meralco ng 1,000 sako ng bigas para sa 10,000 pamilya sa Marinduque.
Ang OMF ay namahagi rin ng mga care package sa 200 na pamilya sa Camalig, Albay at Guinayangan, Quezon, na nagtamo ng matinding pinsala mula sa bagyong Rolly.
Taos puso naman ang pasasalamat ni DOE Secretary Alfonso Cusi sa pagkakaisang ipinamalas ng buong sektor ng kuryente upang maibalik ang supply sa mga lugar na nasalanta ng mga dumaang bagyo.
Ang bayanihang ipinamalas ng iba’t ibang sangay ng industriya ay isa nanamang halimbawa ng magagandang resulta ng pagkakaisa.
Puno man ng pagsubok ang taong 2020, panatilihin natin ang pagkakaroon ng positibong pananaw.
Isapuso natin ang bayanihan at pagkakaisa dahil ayon nga sa isang kanta, walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.
