Bayaning Pinoy surfer nawala sa Vietnam

MARAMI ang nagtatanong sa Sala sa Init, Sala sa Lamig kung bakit wala ang “bayaning Pinoy surfer” noong 2019 Southeast Asian Games na si Roger Casugay sa listahan ng pambansang delegasyon sa 31st SEAG sa Hanoi, Vietnam.

Naging tanyag si Casugay hindi lang sa SEA Games kundi sa buong mundo nang kumalat ang video at balita tungkol sa pagsagip niya sa kapwa surfer na muntik nang malunod sa 30th edition ng biennial meet na ginanap sa Pilipinas.

Dahil sa pagliligtas ng ­naturang Pinoy surfer kay Arip Nurhidiyat ng Indonesia ay nabigo siyang makuha ang inaasam na medalya sa SEAG. Ngunit mas higit pa sa ginto ang nakamit ni Casugay nang kilalanin siyang bayani ni Indonesian president Joko Widodo, at ng iba’t ibang lahi na nasubaybayan ang kanyang ginawa.

Maging ang ating Senado ay pinarangalan ang Pinoy surfer sa pamamagitan ng isang ­resolusyon nina Sen. Bong Go at Sen. Nancy Binay, “for showcasing the true heart of a champion by ­setting aside his goal of capturing a gold medal and saved the life of a competitor without hesitation”.

Binigyan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ng “Fair Play Athlete of SEA Games” si ­Casugay nang bumisita siya sa Malakanyang matapos ang ­closing ceremony sa New Clark City Athletic Stadium sa Capas, Tarlac noong Disyembre 11.

Kaya hindi kataka-taka na ma-miss si Casugay ng ilang kababayan na iniidolo siya. Bakit parang tila nakalimutan na siya at hindi nababanggit sa mga atletang sumasabak ngayon sa Hanoi?

Ang malungkot na katotohanan, isa ang surfing sa na­tanggal sa 40 sports na pinagla­labanan ngayon sa Vietnam.

“We have appealed for the inclusion of several sports. They (Vietnam organizers) might accept four more sports based on the proposals of eight countries,” sabi ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino matapos ang pakikipagpulong sa SEA Games Federation.

Kasama ang surfing, kabuuang 15 sports kung saan humakot ng 56 medalya ang mga atletang Pilipino noong 30th SEAG, ang inalis sa 31st edition. Ilan pa sa medal sports na naligwak ang rugby seven, jiujitsu, baseball, softball, soft tennis, duathlon, windsurfing at ­wakeboarding/water skiing.

Kung nakasama sana ang surfing, si Casugay na tubong La Union ay tiyak na lalaban ng husto hindi lamang para sa sarili kundi para sa ating bansang Pilipinas, na naging overall champion sa 2019 edition nang magmina ng 149 gintong medalya.

151

Related posts

Leave a Comment