BBM MANGUNGUTANG PARA ISUGAL SA MAHARLIKA

PAPAYAGAN ang gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mangutang para isugal sa Maharlika Investment Fund (MIF).

Ito ang isiniwalat ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ukol sa MIF na niratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso at tanging ang lagda ni Marcos ang kulang para ilarga na ito.

“Bahagi din ng version ng Senado na pwedeng mangutang ang ating pamahalaan para magkaroon ng pondo for the investment fund. Ibig sabihin po, mangungutang tayo para ipangsugal, through the issuance of bonds,” ani Manuel.

Magugunita na upang hindi na idaan sa bicameral conference committee ang nasabing panukala ay inadopt na lamang ng mababang kapulungan ang bersyon ng Senado.

Ang MIF ay target na mapondohan ng kalahating trilyong piso o P500 billion subalit dahil walang sapat pondo ang gobyerno ay maaaring ipangutang ito kung saan ang taumbayan ang magbabayad kapag nalugi ang investment na papasukin ng Maharika Investment Council (MIC) na pamumunuan ni Marcos Jr.

“Lubog na nga tayo sa utang isusugal pa ang pera ng bayan dito,” dagdag naman ni ACT party-list Rep. France Castro.

Sa ngayon aniya ay mahigit P13 trilyon na ang utang ng bansa at madadagdagan pa ito kapag nangutang ng pondo para sa MIF.

“Di rin binago ng Senado ang katangian ng Maharlika Investment Fund bilang isang massive pork fund ng Presidente, na susunod sa yapak ng coco levy fund scam, pork barrel scam, at iba pang corruption scandals na naglantad ng bangkaroteng programa at pananaw ng isang pamahalaang patuloy na nagpapatay-malisya sa mga panawagan at kahilingan ng mamamayan,” dagdag pa ni Castro na ang tinutukoy ay ayuda, dagdag na sahod at iba pa. (BERNARD TAGUINOD)

319

Related posts

Leave a Comment