MULA sa panawagang “BBM resign,” tuluyan nang lumipat sa “Impeach BBM” ang panawagan ng grupo ni dating Congressman Mike Defensor, kasabay ng ikinakasang caravan at motorcade sa EDSA ngayong Sabado.
Ayon kay Defensor, naniniwala ang kanilang grupo na wala na umanong kakayahan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pamunuan ang bansa.
Kahapon, hindi na bumalik sa Kamara ang grupo ni Defensor upang muling ihain ang ikatlong impeachment complaint laban sa Pangulo. Anila, ayaw nilang maging bahagi ng umano’y “moro-morong impeachment process.”
Gayunman, itutuloy ng grupo ang plano nilang motorcade sa EDSA upang himukin ang publiko na suportahan ang impeachment laban kay Marcos.
“Hindi na BBM resign, impeach BBM na ang panawagan natin,” ani Defensor.
Si Defensor ay kabilang sana sa mga complainant ng ikatlong impeachment complaint na tinanggihan umano ng Office of the Secretary General noong Huwebes dahil wala sa bansa si Secretary General Cheloy Garafil, na nasa Taiwan.
Noong Setyembre, una nang nanawagan ang ilang grupo, kabilang ang mga supporter ni Vice President Sara Duterte, ng pagbibitiw ni Marcos sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian.
“Grabe na ang corruption, tuloy-tuloy pa rin ang corruption,” ani Defensor.
Iginiit pa ng dating mambabatas na dapat umanong maimbestigahan si Marcos sa alegasyong katiwalian sa administrasyon, paggamit diumano ng droga, at papel umano sa pagkidnap kay dating pangulong Rodrigo Duterte, na aniya’y maaari lamang gawin sa pamamagitan ng impeachment.
“Hindi na niya kayang manguna sa ating bansa,” dagdag pa niya.
Impeachment Process Nagsimula Na
Kahapon ay pormal nang umusad ang impeachment process laban kay Pangulong Marcos matapos maisama sa order of business ng Kamara ang dalawang impeachment complaints at agad na irefer sa House Committee on Justice.
Bago mag-adjourn ang sesyon, inirefer ni Deputy Speaker Yevgeny Vicente “Bambi” Emano ang dalawang verified complaints sa komite na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville Jinky Luistro.
Ang unang reklamo ay isinampa ni Atty. Andre de Jesus noong Enero 19 at inendorso ni Pusong Pinoy party-list Rep. Jernie Jette Nisay. Ang ikalawa naman ay inihain ng Bayan Muna noong Enero 26, na inendorso ng ACT Teachers, Kabataan, at Gabriela party-lists.
Sa ilalim ng House Rules on Impeachment, may takdang panahon ang Speaker upang isama at irefer ang mga reklamo, subalit sa kaso ni Marcos ay agad na inaksyunan ang mga ito.
Ibig sabihin, wala nang maaaring tanggapin na panibagong impeachment complaint laban sa Pangulo sa loob ng isang taon, bagama’t patuloy pang didinggin ng komite ang mga kasalukuyang kaso. Kakailanganin ng 106 boto sa plenaryo upang maakyat ang kaso sa impeachment court.
(BERNARD TAGUINOD)
5
