PABOR SA HUSTISYA O SA MGA INAAKUSAHAN?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

DAPAT bang pagsamahin sa iisang kulungan ang mga pinagsususpetsahang nagsabwatan sa malawakang nakawan?

Kung diretsong titingnan, mukhang simple ang sagot na oo. Nakulong na sila, pare-pareho ang kaso, pare-pareho ang destinasyon kaya bakit pa paghihiwalayin? Pero kapag sinuri nang mas malalim, dito na pumapasok ang mas mabigat na tanong kung nakatutulong ba ito sa hustisya, o nakasasama?

Dahil kung tutuusin, hindi ba’t mas delikado pa nga kung pagsasamahin mo sa iisang pasilidad ang mga taong pinaghihinalaang nagplano, nagpatupad, at nakinabang sa iisang malaking nakawan? Sa loob ng kulungan, malaya ang kwentuhan, malaya ang pag-aayos ng bersyon, at mas madali ang “pagkakatugma” ng mga salaysay kapag dumating na ang oras ng paglilitis.

Ito ang sentrong punto ng isang artikulong pinag-usapan sa social media kamakailan matapos dakpin at dalhin sa New Quezon City Jail sa Payatas ang dating senador na si Bong Revilla, Jr., kasama ang ilan pa niyang mga co-accused. Ayon sa blogger, hindi raw lang basta inaresto ang mga akusado kundi ginawan pa raw sila ng komunidad.

Kung matatandaan, hindi na bago sa selda si Revilla. Noong 2014, minsan na rin siyang nakulong kaugnay ng katiwalian. Makalipas ang mahigit isang dekada, heto na naman, balik-selda, ibang kaso, parehong tema. Ngayon, kaharap niya ang kasong malversation at graft, kasama ang ilang dating opisyal ng DPWH, kaugnay ng umano’y P92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan, na isinampa ng Ombudsman.

Sa paningin ng pamahalaan, ang pagkakakulong nila sa iisang pasilidad ay patunay umano na walang “special treatment.” Pare-pareho raw ang trato—walang VIP cell, walang aircon justice. Pero ayon sa blogger (hindi ko matukoy dahil hindi ko na matandaan ang pangalan ng kanyang Facebook page), may problema ito. Dahil habang ipinakikitang mahigpit ang sistema, tahimik namang niluluwagan ang mismong mga butas na pwedeng makapagpahina sa kaso.

Isipin mo nga naman, magkakasama ang mga akusado, may oras mag-usap, may panahon magplano ng iisang depensa. Posible ang witness intimidation—direkta man o pailalim. Posible ring mapino ang alibi hanggang sa magmukhang iisang script ang maririnig sa korte. Sa ganitong set up, ang hustisya ay nagiging stage play. Maganda sa paningin, pero kulang sa bigat pagdating sa hatol.

Sa huli, ang tanong ay hindi kung may selda o wala. Ang tanong ay may patutunguhan ba ang mga kasong ito? O mauuwi na naman sa mahabang proseso, hanggang sa mapagod ang publiko at tuluyang maniwalang ang kulungan ay pansamantalang eksena lang sa pelikula ng anti-korupsiyon?

BALIK-TRABAHO?

Maiba naman tayo.

Nakabalik na raw sa trabaho si Department of Justice (DOJ) Undersecretary Jojo Cadiz noong Enero 5. Ayon kay Justice spokesperson Atty. Polo Martinez, nananatili si Cadiz bilang undersecretary ng Immigration and Special Concerns Cluster.

Matatandaang pansamantala siyang lumiban matapos lumabas ang video message ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co noong nakaraang taon. Sa naturang video, sinabi ni Co na siya raw mismo ang nag-deliver ng pera kay Cadiz na umano’y nakalaan para sa Pangulo. Sa mas diretso at mas mabigat na paratang: bagman daw ng Pangulo si Cadiz.

Sa gitna ng kontrobersya, kumalat ang balitang naghain ng resignation ang undersecretary. Pero kung pagbabasehan ang kanyang pagbabalik, malinaw na hindi ito tinanggap ng Palasyo.

At dito na naman papasok ang tanong na pamilyar na sa tainga ng taumbayan: tapos na ba ang usapin, o tinabunan lang? Kung walang linaw, mananatili ang duda. At kapag may duda, mahirap asahang maniniwala ang publiko na seryoso ang pamahalaan sa paglilinis ng sarili nitong hanay.

Sa pulitika at hustisya, hindi sapat ang “nakabalik na sa trabaho.” Ang mas mahalaga ay may pananagutan ba, o may nakalimutan na naman?

30

Related posts

Leave a Comment