NANAWAGAN ang tambalan nila presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at vice-presidential aspirant Sara Duterte na tiyakin ang kaligtasan laban sa COVID-19 ng aabot sa 100,000 overseas Filipino workers (OFW) na nakatakdang umuwi sa bansa para bisitahin ang kanilang pamilya ngayong Pasko.
Ito ang reaksyon ng BBM-Sara UniTeam matapos i-anunyso ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na inaasahan nila na 80,000 hanggang 100,000 ang posibleng umuwi sa bansa para magdiwang ng kapaskuhan ngayong Disyembre.
“It’s a Filipino tradition na tuwing Pasko at Bagong Taon nagsasama-sama ang pamilyang Pinoy, lalo na ang mga OFW na tuwing kapaskuhan ang schedule ng uwi sa bansa para makapiling ang pamilya. We need to make sure that they are safe from COVID-19 sa pag-uwi nila sa bansa,” ayon sa pahayag ng BBM-Sara UniTeam.
Iginiit pa ng tandem nila Bongbong at Sara na tama lamang ang desisyon ng pamahalaan na ituloy pa rin ang libreng pagsagot sa quarantine facilities para sa mga umuuwing OFW para makabawas ng gastusin sa mga ito.
Sumang-ayon din ang BBM-Sara UniTeam sa pagpapaigting ng mga umiiral na health protocols lalo pa’t ngayon na may banta ng bagong variant ng COVID-19 na Omicron.
“Kailangan nating masiguro na ligtas ang mga OFW sa COVID-19 para tiyak ding ligtas ang mga uuwian nilang pamilya. Let’s have them celebrate safely with their families,” dagdag pa ng BBM-Sara UniTeam.
Ayon sa OWWA, sagot nito ang pitong araw na quarantine ng uuwing OFWs na miyembro nila. Isasalang naman sila sa swab test sa ika-limang araw at kapag negatibo ang resulta ay papayagan na silang makauwi ng bahay. Nakasalalay naman sa Local Government Unit o probinsyang uuwian ang mga karagdagan pang quarantine rules.
Sa kasalukuyan, merong 178 quarantine facilities na ginagamit ang pamahalaan para sa mga umuuwing OFW sa bansa.
Idinagdag pa ng BBM-Sara Uniteam na posibleng dumagsa ang pag-uwi ng mga OFW lalo na ngayon na patuloy na bumababa ang bilang ng kaso ng COVID-19.
“Asahan natin na mas maraming uuwi ngayon lalo na yung mga hindi nakauwi noong nagdaang Pasko dahil sa mas mahigpit na health protocol. Kaya ito talaga ang dapat nating paghandaan,” dagdag pa ng BBM-Sara UniTeam.
95