Hamon kay BBM 14M PAMILYA IAHON SA HIRAP

HINAMON ng isang mambabatas sa Kamara si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na iahon sa hirap ang may 14 milyong pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pagtataas ng sahod ng mga manggagawa.

Ginawa ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang hamon matapos lumabas sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) na umaabot sa 14 milyong pamilyang Pilipino ang ikinokonsidera ang kanilang sarili na mahirap.

“Hindi pwedeng ibangko na lamang ang mga batas na nagsusulong ng pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa. Hindi pwedeng magbulag-bulagan ang gobyerno sa matagal nang panawagan ng mahihirap,” ani Brosas.

Mas lalong kailangang iprayoridad ni Marcos ang wage increase ng mga manggagawa lalo na sa pribadong sektor dahil hindi aniya nakabubuhay ang P570 minimum wage sa Metro Manila at mas mababa pa sa ibang rehiyon.

“There is no way a family can live with the current P570 minimum wage in Metro Manila, what more in other regions with lower minimum wage,” dagdag pa ng mambabatas.

Sa ngayon ay may dalawang panukalang batas sa Kongreso para sa legislative across the board wage increase na kinabibilangan ng P750 ng Makabayan Bloc habang P150 naman ang iminungkahi ni TUCP party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza.

Lumabas din sa nasabing survey na pangunahing dahilan ng paghihirap ng tao ang mataas na presyo ng mga pagkain na hindi aniya nakapagtataka dahil malayong-malayo sa living wage na P1,161 ang tinatanggap na sahod ng mga manggagawa.

“President Marcos Jr.’s monthly trips overseas cannot possibly address the call of the majority of Filipinos for higher wages. It’s hard to get a glimpse of the plight of poor Filipinos struggling to make ends meet when you’re always up in the clouds,” ayon pa kay Brosas.

Samantala, suportado ni Senador Chiz Escudero ang pagsusulong ng legislated minimum wage hike subalit iginiit na hindi ito dapat gawing across the board.

Ipinaliwanag ni Escudero na posibleng kayanin ng mga kumpanya kahit pa ng mga micro small and medium enterprises (MSMEs) sa Metro Manila at iba pang mauunlad na bayan ang ipinapanukalang P150 na dagdag sahod subalit sa malalayong lalawigan ay maaaring hindi ito maibibigay ng mga kumpanya.

Kailangan anyang maging balanse ang pagkakaloob ng dagdag na sweldo sa mga manggagawa upang hindi rin mahirapan ang mga kumpanya at hindi mapilitang magbawas ng trabahador.

Aminado si Escudero na may pangangailangan nang kumilos ang Kongreso para sa dagdag na sahod sa mga manggagawa dahil tila hindi kumikilos ang mga Regional Tripartite Wage Boards at tila hindi nakikita ang pangangailangan ng mga manggagawa para sa sapat na sahod.

Tanong pa ng senador kung saang planeta, palengke at grocery namimili ang mga miyembro ng wage boards at kung saan sila sumasakay dahil tila kumbinsido pa ang mga ito na kaya pang pagkasyahin ng mga manggagawa ang tinatanggap nilang sahod. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

140

Related posts

Leave a Comment