ALINSUNOD sa direktiba ng Pangulo, nakatakdang tutukan ng Department of Agriculture (DA) ang programang Masagana 150 na naglalayong gawing posible ang hamon para sa abot-kayang presyo ng bigas sa merkado.
Sa ilalim ng programang halaw sa mekanismong ginamit ng yumaong dating Pangulo Ferdinand Marcos Jr., target ng departamentong paabutin sa 150 sako ng palay ang ani sa kada ektaryang lupang sakahan.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista, mahigpit ang direktiba ng Pangulong tumatayong Kalihim ng kanilang kagawaran — komprehensibong programang magbibigay katiyakan sa sapat at abot-kayang pagkain para sa mga Pilipino sa tulong ng gobyerno, partikular ng DA.
Paglilinaw ni Evangelista, bagamat halaw sa Masagana 99 ang programa ng Pangulo, higit na malawak ang saklaw ng tulong na ihahatid ng pamahalaan sa sektor ng pagsasaka — kabilang ang makabagong teknolohiya na angkop sa agraryo.
“It’s anchored in increase the yield based on the tech we can avail of, and the tech we have but the idea is to reach that much as far as cavans is concerned…We’re looking at kung paano at kailan ito maipapatupad. ,” ani ni Evangelista.
Para naman sa sustainability ng programa, sinabi ni Evangelista na makakatulong ang Agriculture Credit Policy Council sa mga kooperatiba sa pamamagitan ng pagbibigay ng pautang.
Gayunpaman duda si dating Finance Sec. Carlos Dominguez. Aniya, umabot sa 800 rural banks ang nabangkarote dahil sa Masagana 99 ng yumaong Pangulo — bagay na di na aniya dapat maulit sa bagong bersyon ng programa ni Marcos Jr.
Si Dominguez ay dating Agriculture Secretary mula 1987 hanggang 1989 sa ilalim ng pamuuno ng dating Pangulong Corazon Aquino.
Sagot naman ni Evangelista, dito na dapat pumasok ang G2G o government to goverment deal sa usapin ng pataba sa mga lupang sakahan.
Dagdag pa niya, sinisikap ng pamahalaan na gawing lupang pang-agrikultura ang mas maraming lugar, kabilang ang mga nasa metro, dahil ang pinakalayunin nito ay pataasin ang produksyon ng ani.
Ang lokal na supply ng bigas ng Pilipinas ay nasa 12.37 milyong metriko tonelada, habang umaangkat naman ito ng 2.36 milyong metriko tonelada, dagdag ni Evangelista.
Ayon naman kay Rosendo So, presidente ng agriculture group na SINAG, ang panukalang Masagana 150 ay isang “magandang programa” ngunit kinuwestiyon kung paano ito ipapatupad.
“Dapat yung detalye ang maririnig natin,” pahabol ni So. (PAOLO SANTOS)
132