(CHRISTIAN DALE)
SINAGOT na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga batikos sa asawang si Unang Ginang Liza kaugnay ng pakikialam umano sa pagtatalaga ng mga tao sa gobyerno.
Pagtiyak ng Pangulo, walang ‘input’ ang kanyang asawa sa appointments na kanyang ginagawa sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“Zero, she really has no input on that. The First Lady helps me in terms of the organization because she was actually very very good at that, organizing which office, how the workflow goes, where the documents go through,” ayon sa Pangulo.
“She’s a well-trained lawyer so she’s very good at that. But that’s the extent of it, we don’t talk policy together, I mean she’ll comment… she’ll generally say, ‘that looks good,’ ‘that doesn’t look good, I don’t know why you’re doing that,’ ‘what a great idea,’ but that’s it,” aniya pa rin.
Kamakailan, inatasan ng Unang Ginang si Presidential Security Group commander Col. Ramon Zagala na ipakalat ang kanyang babala sa mga taong gumagamit ng kanyang pangalan para lang maitalaga sa gobyerno o sa military posts.
Ayon kay Araneta-Marcos, napuno na siya sa mga usap-usapan na dawit siya sa pagkakatalaga sa mga opisyal sa gobyerno at sa militar.
Sa kanyang 35-second selfie video message, itinanggi ng first lady na may kinalaman siya sa appointment ng mga government official, partikular na sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), pero hindi naman ipinaliwanag kung bakit ang naturang military unit ang kanyang nabanggit.
Matatandaan sa ISAFP, ang pinakabagong itinalaga ay ang kanilang acting chief na si Brig. Gen. Leonel Nicolas, kapalit ni Brig. Gen. Marcelino Teofilo, noong October 2022.
Ang mga kontrobersiya kaugnay sa appointments, resignations at dismissals ay lumutang sa unang bahagi ng mga buwan ng Marcos administration.
Sa panahong iyon, nawalan ng tatlong key officials si Pangulong Marcos kasunod ng pagbibitiw sa pwesto nina Executive Secretary Victor Rodriguez, Press Secretary Trixie Cruz-Angeles at Commission on Audit Chair Jose Calida.
Sa kabilang dako, nang tanungin naman kung kinokonsulta niya ang asawa sa paggawa ng mahihirap na desisyon, ang sagot ng Pangulo ay tinatanong niya ang kanyang asawa pagdating sa legal aspects at hindi ukol sa political matters.
Samantala, itinanggi naman ni Pangulong Marcos na ngayon pa lamang ay hinuhulma na nila si Ilocos Norte Representative Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos para maging susunod na Pangulo ng bansa.
Ito ay dahil marami ang nakapansin na kasama si Cong. Sandro sa ilang byahe ng Pangulo sa ibang bansa kabilang na ang working trip nito sa Davos, Switzerland kamakailan.
“No, we’re not grooming him for anything. He’s grooming himself, he has decided on this career in politics and he will handle it the way he does. There’s not some long range plan that one day Sandro is going to be the president. He will laugh in your face if you tell him that,” paliwanag ng Pangulo.
620