KUNG may dapat isertipika si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang urgent, ito ay ang Permanent Evacuation Centers bill at hindi ang Maharlika Investment Fund (MIF).
Ginawa ni ACT party-list Rep. France Castro ang pahayag kasunod ng banta ng bagyong Betty na inaasahang mananalasa sa Northern Luzon kaya maraming evacuees ang posibleng magsiksikan na naman sa public schools.
“Sa lakas ng Supertyphoon Betty ay malamang na ‘di lang libo-libong Pilipino ang maapektuhan nito at baka umabot pa sa milyon. Nakakalungkot na sinertify as urgent ni Pang. Marcos Jr. ang
Maharlika Investment Fund pero ang panukala tulad ng Permanent Evacuation Centers bill na halos isang dekada na ay hindi pa naging batas,” himutok Castro.
Ang nasabing panukala ay una nang pinagtibay ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa noong Marso subalit nakabinbin pa ito sa Senado dahil hindi sertipikado bilang urgent bill.
Sa ilalim ng nasabing panukala, magtatayo ang gobyerno ng isang evacuation center sa bawat siyudad at bayan sa buong bansa na siyang magiging silungan ng mga biktima ng kalamidad.
“We hope that now, Malacañang and the leadership of the Senate would heed our call to expedite the passage of a similar bill and Malacanang should classify the bill as urgent,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
144