TULOY-tuloy ang paghahatid ng tulong nila Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., at Sara Duterte sa mga nasalanta ng super typhoon ‘Odette’ at sinuyod naman nila nitong Lunes (Disyembre 20), ang Siargao, Capiz, Negros Occidental at Masbate.
Pinangunahan ni Marcos, ang paghahatid ng relief goods sa iba’t ibang lugar na matinding tinamaan ng bagyo kasabay ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para matukoy pa ang problema sa kanilang mga lugar.
Bawat pinuntahang lugar ay binigyan ng team ni Marcos, ng tig-P1 milyong cash at 2,000 bags ng relief goods.
“Bukod sa paghahatid ng tulong, gusto nating malaman kung ano pa ang mga problema at pangangailangan nila at kung ano pa ang pwede nating maitulong sa kanila,” ayon sa pahayag ni Marcos.
Unang pinuntahan ng team ni Marcos, ang Siargao at agad nakipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal kasunod ng paghahatid ng tulong sa lugar. Sunod naman nilang pinuntahan ang Capiz bago pumunta sa Silay, Negros Occidental.
Pinakahuling pinuntahan ni Marcos at ng kanyang team ang Masbate bago bumalik sa Metro Manila.
Nito lamang Linggo, nauna nang hinatiran ng ayuda sa serye ng relief operations nila Marcos at Sara ang Leyte, Butuan, Bohol at Cebu.
Bago pa tumama ang bagyong ‘Odette’, agad nang pinakilos ng BBM-Sara UniTeam ang kanilang volunteers para ikasa ang malawakang relief operations sa lahat ng mga nasalanta ng bagyo. Agad nagtulong-tulong ang mga volunteers para mag-repack ng relief goods sa mga warehouse ng BBM-Sara UniTeam.
Agad ding tumugon ang mga donors at volunteers sa ikinasang relief operations at dumagsa ang mga bigas, canned goods, kape at iba pang pangunahing mga pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo.
Nauna na ring pinasalamatan ni Marcos ang donors at volunteers na agarang tumugon sa kanyang panawagan.
“Nakatutuwang isipin na kahit may pandemya buhay na buhay pa rin sa ating mga Pilipino ang bayanihan. Nagpapasalamat ako sa mga donors at volunteers dahil sa taos puso at maagap na pagtulong. Naging mabilis ang ating responde dahil sa inyo. Maraming salamat po,” ani Marcos.
