NADAKIP na ng mga awtoridad ang isang babae na kabilang sa mga suspek sa robbery-slay case sa company messenger na si Niño Luegi Hernando sa Barangay Paso De Blas, Valenzuela City noong Oktubre 9.
Pinuri ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang Valenzuela Police Station, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Fernando Ortega, dahil sa matagumpay na pagkakaaresto kay Jo-Anne Quijano Cabatuan, 31, ng Brgy. Lawang Bato, sa bisa ng warrant of arrest sa kanyang pinagtataguan sa Brgy. Lourdes, Minalin, Pampanga noong Disyembre 1.
Si Cabatuan ay unang itinuring na saksi sa pamamaril kay Hernando ng riding in tandem suspects na sina Rico “Moja” Reyes at Narciso “Tukmol” Santiago na tinangay ang sling bag na may lamang pera at motorsiklo ng biktima.
Ngunit sa masusing imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang sangkot si Cabatuan sa krimen dahil sa pagbibigay umano ng impormasyon sa gunman hinggil sa kinaroroonan ni Hernando matapos itong mag-withdrew ng P442,714 cash sa bangko.
Nadiskubre rin ng pulisya na si Hernando ay tumestigo kontra sa live-in partner ni Cabatuan na kalaunan ay nakulong sa kasong rape.
Nauna nang naaresto ng pulisya ang dalawa pa sa mga suspek na sina Edgar Matis Batchar at Cpl. Michael Bismar Castro, isang AWOL na pulis, habang patuloy na pinaghahanap ang pangunahing mga suspek na sina Reyes, Santiago, at PO1 Anthony Glua Cubos na pawang kinasuhan ng robbery with homicide.
Ang pamahalaang lungsod ay magbibigay ng P300,000 reward bawat suspek bilang pabuya sa sinumang makapagbibigay impormasyon para sa agarang pagkakaaresto sa mga ito. (FRANCIS SORIANO)
245
