(NI JJ TORRES/PHOTO BY MJ ROMERO)
MGA LARO NGAYON:
(MALL OF ASIA ARENA)
4:30 P.M. — COLUMBIAN VS BLACKWATER
7:00 P.M. — SAN MIGUEL VS MAGNOLIA
TARGET ng San Miguel Beermen at defending champion Magnolia Hotshots Pambansang Manok na pagandahin ang kanilang record sa paghaharap nila ngayong gabi sa PBA Governors’ Cup sa Mall of Asia Arena.
Ang laban sa pagitan ng sister teams na Beermen at Hotshots ay magsisimula ng alas-7:00 ng gabi, kung saan ang mananalo ay aakyat sa second spot sa team standings.
Wala pa ring talo ang SMB matapos ang tatlong laro habang ang Magnolia ay nakabawi mula sa kanilang pagkatalo sa Meralco sa kanilang opening assignment sa pamamagitan ng tatlong sunod na panalo.
Tila nakapahinga naman ang Beermen nang maigi matapos talunin ang NLEX Road Warriors sa iskor na 98-94 noong Biyernes sa Coca-Cola Arena sa Dubai.
Nakaligtas ang SMB mula sa pagkatalo matapos umiskor ng go-ahead basket ang import na si Dez Wells sa huling segundo.
Samantala, ang Magnolia ay galing naman sa 95-90 na panalo kontra Alaska Aces noong linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Pangungunahan ni Wells, June Mar Fajardo, Alex Cabagnot, Arwind Santos at Chris Ross ang bid ng Beermen na maging perfect sa season-ending conference.
Maglalaro naman si Terrence Romeo kahit na pinatawan ng P20,000 fine ni PBA Commissioner Willie Marcial dahil sa headbutt incident kay Philip Paniamogan sa fourth quarter ng Dubai game.
Ang import na si Romeo Travis ay magpupursige para bigyan ng panalo ang Magnolia kasama sina Mark Barroca, Ian Sangalang at Paul Lee.
Samantala, maghaharap sa unang laro ang Columbian Dyip at Blackwater Elite sa ganap na alas-4:30 ng hapon.
Balak iangat ng Dyip ang kanilang 2-2 record habang ang Elite ay papasok na may record na 1-2.
Magtatapat ang rookies na sina CJ Perez ng Dyip at Ray Parks Jr. ng Elite sa pangalawang pagkakataon.
