TINUKOY ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla si Benguet Rep. Eric Yap bilang “person of interest” sa fully paid pero palpak na flood control project sa La Union — proyekto umano ng kumpanyang dati niyang pag-aari.
Dawit din ang kapatid niyang si ACT-CIS Rep. Edvic Yap at si Bulacan Rep. Salvador Pleyto, matapos umanong makatanggap ng pera sa pamamagitan ng bank transfers mula sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, mga kontraktor na sangkot sa ghost at substandard projects.
Ayon kay Remulla, lumitaw ang mga pangalan nina Yap at Pleyto matapos maghain ng reklamo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Ombudsman laban sa 21 opisyal ng DPWH at dalawang kontraktor dahil sa maanomalyang flood control projects sa La Union at Davao Occidental na umabot sa P276 milyon.
Kabilang dito ang P96.5 milyong halaga ng mga ghost project sa Davao Occidental at dalawang di natapos na flood control projects sa La Union na parehong nagkakahalaga ng P89.7 milyon bawat isa.
Ang St. Timothy Construction ng mag-asawang Discaya ang contractor sa Davao Occidental project, habang ang Silverwolves Construction ang siyang sangkot sa La Union project.
Si Eric Yap, na dating chairman ng House Committee on Appropriations (2020–2022), ay iniimbestigahan ngayon matapos matukoy ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang money transfers umano kina Edvic Yap at Pleyto na konektado sa mga proyekto.
(JULIET PACOT)
13
