(BERNARD TAGUINOD)
MAGKAKASA ng imbestigasyon ang mababang kapulungan ng Kongreso upang mabigyang katiyakan ang hinala ng marami na ibinibenta ang mga impormasyon sa contact tracing form na pinasasagutan sa mga kostumer bago makapasok sa establisimyento.
Duda ang isang grupo ng mga mambabatas sa Kamara na dahilan din ito kaya lumala ang text scam.
Ayon sa mga kinatawan ng Bayan Muna party-list, mula nang obligahin ang mga tao na mag-iwan ng impormasyon sa mga establisimyento at maging sa government offices na kanilang pinuntahan ay dumami umano ang mga text scam.
“Some subscribers claim that they noticed a spike in the number of text scams and spams after they submitted their phone numbers to Covid tracing apps or logbooks in establishments purportedly for contact tracing,” ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate.
Hanggang ngayon ay inoobliga ang mga tao na isulat ang mga personal na impormasyon tulad ng kumpletong pangalan, email address, tirahan at telepono para umano sa contact tracing.
“Kailangan talagang mag-ingat tayo sa ngayon ‘di lang sa Covid kundi mismo sa ating mga personal data dahil madaming nangongolekta nito para ibenta sa mga negosyante o scammers o ang iba pa nga ay sa surveillance,” ayon pa sa mambabatas.
Ito anila marahil ang dahilan kaya maging sa personal number ng mga tao ay may nagpo-promote ng mga produkto, nagbebenta ng kung ano-ano, nag-aalok ng trabaho, loan at iba pa na kapag kinagat ang may mabibiktima.
Partikular na kakalampagin ng grupo ang National Privacy Commission (NPC), Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) dahil nalalabag na umano ang data privacy.
295
