BI CHIEF DAPAT HINDI DUWAG

BISTADOR Ni RUDY SIM

MASUSING dumaraan sa matinding pagsasala ang ­ilang ahensya ng pamahalaan na hanggang sa kasalukuyan ay marami pa rin ang bakanteng posisyon, upang ­maging makatotohanan ang isa sa mga naipangako sa sambayanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong kampanya, na magkaroon ng malinis at tapat na paglilingkod sa bayan upang ang korapsyon sa ­gobyerno ay masugpo.

Isa sa mga ahensya ng pamahalaan na may maraming bilang ng mga aplikante bilang “commissioner” ay ang Bureau of Immigration (BI) na sa kasalukuyan ay pansamantalang nagtalaga si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ng pansamantalang OIC na si Rogelio “Junjun” Gevero Jr., ayon sa utos ni Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez noong June 30 na lahat ng puwesto ng presidential appointees sa nagdaang administrasyon ni PRRD ay kailangan nang bakantehin.

Agad naman na sinuportahan ng mga empleyado ng BI si Gevero dahil anila mas maganda kung ang itatalaga sa ahensya ay mayroon nang kaalaman at experience sa pamamalakad ng ahensya hindi tulad sa panunungkulan ni dating Commissioner Jaime Morente na galing sa PNP at maituturing na “duwag” sa pagtatanggol sa ahensya at sa mga tauhan nito sa anim na taong nagdaan na binalot ng ­kontrobersya ang ahensya, isa na rito ang isyu ng Pastillas scheme.

Si Gevero ay kasalukuyang hepe ng Immigration Regulations Division (IRD) at sa aking pagkakaalam ay hindi pa ito nasangkot sa ano mang katiwalian. Nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang Subports at Seaports ng bansa upang bantayan ang mga dumadaong sa atin na foreign vessels.

Sa mga nagdaang mga hepe rito ay maraming katiwalian ang nangyayari noon sa Bay service ngunit ito’y napigil ni Gevero noong siya na ang ­naging hepe.

Isa na nagiging gatasan ng ilang tiwaling mga tauhan ng IRD ay ang kung tawagin ay “Palubog” o hindi pagdedeklara ng tamang bilang ng mga barkong dumadaong sa ating mga “pier” na nagbabayad ng tamang bayarin na pumapasok sa ating kabang yaman.

Bagamat ang tanggapan ng Tourist Visa Extension office at Student Visa ay nasa kanyang kapangyarihan, wala na rin itong magawa sa ano mang kalokohan nangyayari dito dahil na rin sa sabwatan ng maruming takbo ng pulitika makaraang mayroon umanong pulitiko ang nakiusap kay Morente upang ilagay ang kanyang manok na si Macho Paquito.

Ito ang dahilan kung bakit masusing pinag-aaralan nina PBBM at ES Rodriguez kung sino ang nararapat sa ahensya upang maiwasan ang ­korapsyon. Dapat ding tingnan ng DOJ ang Port Operations Division sa airport at tiyakin na ang itatalagang hepe ay walang planong magpayaman dahil isa ito sa mga departamento ng BI na pinag-aagawan ng mga asong naglalaway sa kapangyarihan.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

510

Related posts

Leave a Comment