BISTADOR ni RUDY SIM
SA nakaraang paggunita natin sa araw ng mga namayapa nating mahal sa buhay ay tila nabaon na rin sa limot ang ilang isyu ng korupsyon sa ilang ahensya ng pamahalaan.
Habang binabato ng putik at maanghang na salita ng netizens ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects na siyang ikinagalit ng taumbayan sa inihalal na opisyales ng bawat kinatawan sa Kongreso, ay maraming malalaking pangalan dito ang lumutang na nakinabang di-umano at naging kasapakat ang ilang personalidad na contractors at maging ng opisyales ng DPWH.
Maraming opisyales ang naging balat-sibuyas na nauna nang nagsagawa ng imbestigasyon kuno upang mapanagot ang mapatutunayang sangkot sa maanomalyang ghost projects upang sana’y maiwasan ang pagbaha na ang sukli sa kanilang bilyon-bilyong ninakaw na pera ng taumbayan ay ang buhay ng mga kababayan nating mahihirap na tinangay ng agos ng korupsyon.
Habang mainit sa mata ng publiko ang DPWH at pagkasugapa sa kapangyarihan nina dating House Speaker Martin Romualdez at Congressman Zaldy Co, ay tila nag-fiesta naman ang ibang ahensya ng pamahalaan na natabunan na ang isyu ng katiwalian.
Ang paglisan ni dating DOJ Secretary Boying Remulla upang upuan ang nabakante at makapangyarihang Ombudsman, sa kanyang ilang araw pa lamang na pag-upo ay nakitaan na ito ng pagiging attack dog kontra sa kalaban ng administrasyon na siyang dahilan upang magpahayag ng kanyang opinyon ang dating Ombudsman na si Samuel Martires na tila hindi alam ni Boying Remulla ang takbo ng batas upang halos kada araw ay humaharap ito sa media.
Marami ang nagtatanong lalo na ang maliliit na mga kawani ng Bureau of Immigration, na sa kabila ng pag-alis ni Remulla sa DOJ ay tila kontrolado pa rin nito ang patakbo ng Justice Department kung saan ay under nito ang BI. Bakit? Bakit daw hindi pa napapalitan ang bata ni Remulla na si Commissioner Joel Viado sa kabila ng iba’t ibang sumbong at isyu.
Mula nang maupo si Viado sa BI ay marami na tayong ibinisto na katiwalian dito kagaya na lamang sa mabilisang pagbibigay pabor sa Chinese nationals na involved sa POGO na mahigpit ang utos ni PBBM na sipain palabas ng bansa ang mga dayuhan ngunit sa kabila ng kautusan ng Pangulo ay mayroong ilan mga opisyales ng BI ang lalong nagpapayaman na iginigisa sa sariling mantika ang mga Tsino.
Huli dito, hulidap mamaya at pera roon, ganito ilarawan ng mga nagsusumbong sa atin na travel agencies, na mga ginagawa umano ng law enforcement ng BI sa mga dayuhan. Sa mata ng taumbayan ay walang sinabi ang korupsyon sa DPWH kumpara sa BI dahil walang pondo ng pamahalaan ang ninanakaw rito ngunit ang kahihiyan naman ng ating bansa mula sa international communities ang nasisira dahil sa ginagawa sa kanilang citizens na nasa ‘Pinas.
Ang walang hustisyang kabagalan ng papeles sa mismong tanggapan ng commissioner ay halos inamag na at hindi pinapansin kung wala itong padulas o dili kaya ay walang kasabwat na abogado o opisyal na naglalakad ng dokumento kahit ito’y legal na dapat aksyunan.
Bakit hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang raket ng isang abogado rito na may presyo ang pirma sa mabilisang pagpapalabas ng isang mahalagang dokumento, na maging ang mga kababayan nating OFWs ay nabibiktima ng kumag na ito kasabwat ang kanyang deputa este deputy na umano’y kalaguyo nito… Tama ba, Atty. Minions? Ang iba pang detalye Abangan!
Sa susunod ay atin naman ibibisto ang patuloy pa ring gatasan sa BI kagaya na lamang ng mabagal na takbo ng papeles na pamemera sa foreign inmates sa kanilang detention units at ang “QUOTA VISA FOR SALE” ng BI kung saan ay nasa top pa rin na gatasan ang mga Chinese na upang makakuha ng Visa na ito ay may presyong P8 milyon kada isang ulo? Sino ang mga nakikinabang dito?
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
64
