BI MAY MINAHAN DAW NG GINTO?

IBINULONG sa PUNA ng isa nating kaibigang barbero na may nagpagupit daw sa kanya na ang kapitbahay ay nagtatrabaho sa Bureau of Immigration (BI).

Sinabi sa kaibigan kong barbero ng kaniyang customer na talaga nga naman daw napakaraming pera ng kaniyang kapitbahay na nagtatrabaho sa BI.

Para raw itong nagmimina ng ginto dahil balewala raw ang suweldong tinatanggap nito sa gobyerno sa dami ng d­umarating na pera linggo-linggo.

Ang tao na binabanggit ng kustomer ng barberong kaibigan ng PUNA ay isang ordinaryong empleyado lang sa BI pero nagtataka siya sa dami raw ng pera nito bukod pa sa pagkakaroon ng tatlong sasakyan.

Kapag umuwi raw ito sa kanilang lalawigan ay talo pa ang isang traditional politician (trapo) kung mamudmod ng pera sa kanyang mga kababayan.

Nung araw nang wala pa raw ito sa BI, ang taong ito ay isang hampas lupa lang. Pero simula nang makapasok sa ahensiya ay nagsimula na itong yumaman.

Hindi kaya kasama sa tinatawag na “Pastillas Group” sa BI-NAIA ang kapitbahay ng customer ng kaibigan nating barbero na inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) na kasuhan sa Office of the Ombudsman?

Nauna na nating inilabas dito sa PUNA ang labing siyam (19) na mga opisyal at tauhan ng BI-NAIA na pinakakasuhan ng NBI sa tanggapan ni Ombudsman Samuel Martires dahil sa pagkakadawit sa tinaguriang “pastillas scheme” sa NAIA.

Kaya tinawag silang “Pastillas Group” at tinawag din na “Pastillas Scheme” dahil ang paraan ng pagbibigay sa kanila ng lagay (pera) mula sa mga dayuhang ilegal na pumupuslit sa bansa ay nakabalot sa papel na parang “Pastillas” candy.

Mismong kasamahan nila sa ilegal na aktibidad ang kumanta sa NBI kaya napabilis din ang imbestigasyon na ginawa ng ahensiya.

Kaya pala patuloy ang pagdagsa ng mga tsekwa at iba pang foreign nationals na ilegal na nakakapasok sa Pilipinas ay dahil may ganitong modus ang mga tiwaling mga taga BI-NAIA.
Pero bukod daw sa “Pastillas Group” sa NAIA, marami rin daw ang rumaraket sa Main Office ng Immigration sa Intramuros, Manila.

Naku Sir Commissioner Jaime Morente, ‘huwag ninyong hayaan makarating kay Pangulong Rodrigo Duterte yang raket ng mga tao ninyo.’ Kung gusto ninyong malaman kung anong pinaggagawa nila ay pasubaybayan nyo.

Kung command ­responsibility ang pagbabatayan, malinaw na sabit din kayo. Kahit pa sabihing wala kayong ­kinalaman sa kanilang ­pinagkakaperahan pero ­kasiraan din ninyo iyan bilang pinuno ng BI.

Hindi na kayo nakonsensiya. Habang ang ibang tao ngayon ay walang makain dahil sa pandemic ng Covid-19 tapos kayo ay busog na busog dahil sa mga ilegal na pinaggagawa ninyo.

Dapat sa inyo ay hindi lang basta sibakin lang sa pwesto dahil mga sarili lang ninyo ang inyong mga iniisip.

Pag hindi kayo pinanagot dito sa mundo sa pinaggagawa nyo may nag-aantay namang kaparusahan sa inyo sa harapan ng Panginoon.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

123

Related posts

Leave a Comment