DAPAT isailalim na agad sa lifestyle check ang mga opisyal ng Bureau of Immigration na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA na diumano’y sangkot sa tinaguriang “Pastillas Scheme o Pastillas Group”.
Ito ay upang malaman ng taumbayan kung tugma ba ang kayamanan ng mga opisyal na ito ng BI sa kanilang sinusuweldo buwan-buwan batay sa kanilang mga posisyon at trabaho.
Bagamat maraming paraan kung papaano nila maitatago ang kanilang kayamanan ay sisingaw at sisingaw pa rin iyan.
Malay natin baka maglakas ng loob at lumabas na magsabing ginamit siya ng isang miyembro ng “Pastillas Group” para maitago ang kanyang kayamanan na hindi alam ng kaniyang kumander (misis).
Ang dahilan ng paglabas niya ay kulang pala ang ibinibigay sa kanyang suporta kahit na siya pa ang tagatago ng kayaman ni “Pastillas member”.
At baka sinabihan din siya na “WALANG AMINAN” kahit ano pa ang mangyari.
Pero pinakakasuhan na pala ni National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director for Investigation Service Atty. Vicente De Guzman III kay Ombudsman Samuel Martires ang halos 20 opisyal ng Immigration na nakatalaga sa NAIA.
Ipinadala na ni Atty. De Guzman ang kaniyang rekomendasyon kay Ombudsman Martires kalakip ang resulta ng kanilang isinagawang preminary investigation laban sa mga opisyal ng BI.
Pagdating sa imbestigasyon may tiwala ang PUNA sa NBI. Magaling sila riyan dahil hindi ka basta-basta makakapasok sa ahensiya kung hindi ka Certified Public Account (CPA) o kaya ay isang abogado.
Lumabas sa kanilang preminary investigation kung papaano ang umanoy operasyon ng “Pastillas Group” na sinasabing binubuo ng mga opisyal ng BI, travel agencies, sindikato na kanilang contacts sa ibat-ibang bansa para magpasok ng ‘alien’ sa Pilipinas na kahit walang travel documents pero makakapasok pa rin, ‘if the price is right,’ ika nga nila.
Hindi alien na galing sa UFO ha, alien kasi ang tawag sa mga dayuhan na pumapasok sa Pilipinas na walang bitbit na anomang dokumento.
Kaya naman tinawag na “Pastillas Scheme” ang tawag sa operasyon ng mga bugok riyan sa BI-NAIA kasi ang pamamaraan ng pagbibigay ng pera ng kanilang mga kakutsaba maging ang kanilang partehan ay nakabalot lang sa papel na parang pastillas candy na paborito rin ng PUNA. Masarap kasi ang kakaning itong panghimagas ika nga pagkatapos kumain.
Ang mga pinakakasuhan ni Bossing Vic (Vicente De Guzman) ay pinangungunahan nina Senior Immigration Officer Grifton S. Medina na nakatalaga bilang Acting Chief ng Port Operations Division. Kasama din sina Senior Immigration Officer German ER Robin na pinuno naman ng Travel Control and Enforcement Unit at ang kaniyang assistant na si Deon Carlo Albao.
Nasilip din ng PUNA ang iba pang pangalan na sina Abdulhafez Hadjibasher at Gabriel Ernest Estacio pawang mga Immigration Supervisors sa arrival at departure area, Ralph Ryan Garcia ng Airport Operations Division, Phol Villanueva, Abdul Fahad Calaca at Danilo Deudor ng Port Operations Division at marami pang iba.
Kasama rin ang isang nagngangalang Liya Wu na isang Chinese national na siyang may-ari ng Empire International Travel and Tours na kakutsaba ng mga Immigration officers sa kanilang sindikato.
Sa mga pangalan na hindi ko na isinama sa kolum na ito dahil hahaba lang, kilala ninyo kung sino-sino kayo. Mahiya naman kayo sa balat ninyo dahil pinagkakakitaan ninyo ang dapat sana ay serbisyong pampubliko.
Base sa imbestigasyon ng NBI, isang nagngangalang Immigration Officer (IO) Chiong ang kumanta para sa modus ng grupo.
Kumpletos rekados ang mga dokumento ng NBI na nanggaling kay IO Chiong at iba pa nilang nakalap kaya nasa Ombudsman na ang bola.
Pero para naman patas ang ating panulat binibigyan po natin ng pagkakataon ang mga binanggit nating pangalan sa ating kolum. Pwede kayo magbigay ng inyong panig sa pitak na ito.
Sige po hindi po natin lulubayan ang isyung ito babantayan natin kung hanggang saan ang aabutin ng istorya ng pastillas group sa NAIA.
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
199 