(BERNARD TAGUINOD)
HINDI na ikinagulat ng isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na tanging maliliit ang tinarget ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil ‘hindi nito kaya ang mga big fish’.
Sa panayam ng Saksi Ngayon, sinabi ni ACT party-list Rep. France Castro na tulad ng ibang kampanya ni Duterte ay mabibigo ito dahil tanging ang mga sanga ang tinatagpas nito at hindi ang mga puno.
“Mula’t sapul gaya ng anti-drug campaign nya failure din ang anti-graft and corruption. Sa anti-drug EJK ang ginamit nya sa mga street user, wala pang napaparusahang big fish, ganyan din estilo nya sa paglaban sa kurapsyon, mga maliliit na empleyado ang kayang parusahan, yung matataas ay di niya kaya,” ani Castro.
Ginawa ng mambabatas ang nasabing pahayag matapos ianunsyo kamakalawa ng gabi ni Duterte na umaabot sa 800 government officials and employees ang sinibak umano dahil sa usapin ng katiwalian at iba pang paglabag sa batas.
Kabilang dito ang 26 BIR personnel na sangkot umano sa katiwalian kaya laging bigo ang nasabing ahensya na makamit ang tax collection target.
Isang open-secret na sa lahat na bukod sa Bureau of Customs (BOC) ay malala rin umano ang katiwalian sa BIR dahil sa mga ulat na inaareglo ng mga tiwali ang kaso ng mga tax evader kapalit ng malaking halaga.
Gayunpaman, lumalabas na pawang maliliit umano na empleyado ng BIR ang sinibak ni Duterte at wala kahit Regional District Officer o matataas na opisyal kaya nadismaya si Castro.
Dahil dito, hinamon ng mambabatas si Duterte na humuli ng malalaking isda dahil kung hindi ay magpapatuloy ang katiwalian sa BIR kahit mawala pa ang maliliit na empleyadong sangkot sa katiwalian.
Sa kanyang press briefing Lunes ng hatinggabi, iginiit ni Pangulong Duterte na ipagpapatuloy niya ang pagtugis sa mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na dawit sa graft and corruption.
Pinangalanan ng pangulo ang ilan sa mga ito kabilang na ang mga empleyado ng BIR na di umano’y nagbulsa ng tax collections at humihirit ng pera kapalit ng pag-apruba sa permit.
Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na sinibak niya ang mga opisyal at empleyado na nahaharap sa kasong administratibo.
“Pagdating sa Ombudsman, the Ombudsman if he finds na tama na ‘yung ginawa sa administrative case, so we will file the corresponding criminal charge,” anito.
Ang Office of the Ombudsman ay inatasan na mag-imbestiga at mag-usig ng mga government official na inakusahan ng krimen lalo na ang sangkot sa graft and corruption.
“So dalawa ang harapin mo, dismissal from the service, wala ka nang trabaho. Tapos makulong ka,” paniniguro ni Pangulong Duterte.
Aniya, papangalanan niya sa susunod na linggo ang mas maraming opisyal at empleyado na sangkot sa lawless activities.
Kaugnay nito, inilantad din ng pangulo ang listahan mula sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na naglalaman ng mga pangalan ng mga kongresista na diumano’y humihingi ng komisyon sa government projects.
Iyon nga lamang, tumanggi ang pangulo na pangalanan ang mga ito sa publiko.
“Let’s go to political law… I have no business investigating congressmen; they belong to a separate organ of government,” ani Pangulong Duterte.
Para naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, iimbestigahan ng DOJ ang naging partisipasyon ng mga mambabatas sa kuwestiyonableng transaksyon at kung kinakailangan ay papangalanan niya ang mga ito. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
202 