SA kabila na kilala bilang isa sa maunlad na lalawigan sa Region 4A o CALABARZON, tumaas pa rin ang bilang ng mahihirap na pamilya sa Batangas.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Enero 2025, nadagdagan ang bilang ng mahihirap na pamilya sa Batangas ng 7,200 mula sa 32,300 noong 2021 patungong 39,500 noong 2023.
Tumaas din ang poverty incidence rate ng Batangas mula 4.3 percent noong 2021 patungong 4.9 percent noong 2023. Kung ikukumpara sa ibang lalawigan sa rehiyon, bumaba ang bilang ng mahihirap na pamilya sa Cavite, Laguna at Quezon.
Ibig sabihin, hindi ramdam ng mga residente ang sinasabing pag-unlad ng mga industriya at turismo sa lalawigan.
Tumaas din ang tinatawag na subsistence incidence sa lalawigan o iyong mga pamilyang hindi sapat ang kita para makabili ng pangunahing pangangailangan sa pagkain. Mula 1.0 percent noong 2021, umakyat ito sa 1.4 percent noong 2023, na pangalawang pinakamataas sa rehiyon.
Pagdating naman sa tinatawag na poverty threshold, kailangan naman ng isang pamilya na taga-Batangas na kumita ng P15,457 kada buwan para matugunan ang kanilang pangangailangan sa pagkain at iba pang mga bagay. Mas mataas ito sa P12,845 noong 2021.
Binigyang-diin ng ilang observer sa pangyayaring ito ang kahalagahan ng tamang pagpili ng maayos na lider.
