MAS mababa na kumpara sa dati ang naitatalang karagdagang kaso ng COVID-19 sa bansa, base sa anunsyo ng Department of Health.
Sa ulat ng DOH, hanggang 4:00pm kahapon ay nakapagtala ng 111 bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 dahilan para umakyat na sa 6,710 ang kabuuang kaso sa bansa.
Siyam namang pasyente ang binawian ng buhay dahilan para maitala ang 446 kabuuang bilang ng nasawi dahil sa COVID-19 sa bansa.
Patuloy rin ang pagtaas ng bilang ng mga gumagaling sa virus matapos madagdagan ng 39 pang pasyente kaya umabot na sa 693 ang bilang ng recoveries.
Matatandaang nitong mga nakalipas na linggo ay hindi bumababa sa 200 ang nadaragdag sa confirmed cases pero sa nagdaang dalawang linggo ay nabawasan ito.
Samantala, halos 60 porsyento umano ng mga COVID-19 patient sa Philippine General Hospital (PGH) ang nakarekober na.
Ito ang iniulat ng tagapagsalita ng UP-PGH na si Jonas del Rosario kahapon.
Sinabi ni Del Rosario na nasa 185 na pasyente na ang naka-admit sa kanilang ospital. Sa bilang na ito, 123 ang nakarekober, 33 ang nasawi habang naka-confine pa rin ang mga natira. D. ANIN
216 