LUCENA CITY – Makaraan ang halos isa at kalahating oras na search and rescue operation, natagpuan ang katawan ng isang 19-taong gulang na estudyante na nawala habang naliligo sa ilog sa kasagsagan ng birthday celebration sa lungsod noong Linggo, Enero 18.
Kinilala ang biktima sa pangalang “Jericho”, estudyante at residente ng Barangay Ibabang Dupay, Lucena City.
Batay sa ulat, nagtungo ang biktima at kanyang pamilya sa Dumacaa River sa Purok Ibaiw, Barangay Ilayang Dupay dakong alas-8 ng umaga upang ipagdiwang ang kaarawan ng tiyuhin.
Bandang alas-10:30 ng umaga, habang naliligo sa ilog ang biktima, bigla na lamang itong hindi namataan, dahilan upang humingi ng tulong ang kanyang pamilya sa mga awtoridad.
Agad nagsagawa ng search and rescue operation ang Lucena City Disaster Risk Reduction and Management Office, Philippine Coast Guard at mga tauhan ng Lucena City Police Station, katuwang ang pamilya ng biktima.
Matapos ang humigit-kumulang isa at kalahating oras na operasyon, narekober ang katawan ng biktima at isinugod sa Quezon Medical Center.
Sinubukan pa itong i-revive ng doktor ngunit tuluyan ding binawian ng buhay.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko na mag-ingat at tiyaking may sapat na pagbabantay at kaalaman sa kaligtasan tuwing naliligo sa ilog o iba pang katubigan upang maiwasan ang kaparehong insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
50
