NABABAHALA ngayon ang lokal na pamahalaan ng Taguig City kaugnay sa ipinalabas na pagbubukas muli ng Taguig-Makati territorial dispute matapos na may lumabas na balita na may itinakdang oral argument tungkol dito.
Hindi raw matanggap ni Mayor Abby Binay ang desisyon ng Korte Suprema na pumabor sa Lungsod ng Taguig?
Nagpalabas ng pahayag ang Taguig City, sinabi nito na itinuring lamang nila na “fake news” ang mga kumalat sa social media na nagsasabing nakausap ni Makati City Mayor Binay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at Chief Justice Alexander Gesmundo para muling buksan ang nasabing kaso ng territorial dispute.
Subalit sa pahayag ni Mayor Binay noong Hunyo 7, 2023, sinabi nitong mayroong natanggap na dokumento mula sa Korte Suprema ang Makati City na nagtatakda ng oral argument.
Siyempre, nagbigay ito ng pagkaalarma sa lokal na pamahalaan ng Taguig, na maaaring nagkatotoo nga ang kanilang hinala.
Narito ang bahagi ng pahayag ng Taguig, “For the record, we have not received any notice from the Court setting the case for oral arguments. Mayor Binay herself admitted in her interview that the Supreme Court has not even acted on Makati’s motion to refer the case to the Supreme Court En Banc. Her claim therefore, that they have received a document setting the case for hearing, is unsettling as it gives the impression that they have insider information on matters which are strictly confidential.”
Ayon pa sa Taguig, mismong si SC Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka ang naglinaw na walang itinakdang oral arguments hinggil sa territorial dispute dahil nagkaroon na ng Entry of Judgement sa kaso.
“Mayor Binay’s statement during her interview is unfortunate. Not only is it factually inaccurate, but it likewise tends to tarnish the integrity and independence of the judiciary. We ask the Honorable Supreme Court to take notice of these claims from Makati and consider appropriate action,” pahayag pa ng Taguig.
Kung nagpalabas na ang Korte Suprema ng desisyon na pumabor sa Taguig City, ano pa ang gustong mangyari ng Makati? Muling buksan ang usapin? Wala nang katapusan ‘yan?
Mas makabubuti siguro sa inyo ay mag-pokus na lamang kayo sa mas mahalagang gawain na ang taumbayan ang makikinabang.
Matatandaan, ang final and executory decision sa Makati-Taguig dispute ay ipinalabas ng SC noong Setyembre 28, 2022 matapos nitong ibasura ang Motion for Reconsideration ng Makati City.
Sa nabanggit na desisyon, sinabi ng SC na wala nang anomang pleadings, motions, letters o anomang komunikasyon ang tatanggapin na may kaugnayan sa usapin. Ibig sabihin, sarado na ang kaso.
Bukod sa abala ‘yan sa inyong magkabilang panig ng Taguig at Makati ay kailangan n’yo pang gumastos para sa usapin na ‘yan.
Ang pinakamahalaga rito ay dapat irespeto kung ano ang naging desisyon ng Korte Suprema sa usapin at hindi maaaring impluwensyahan ito ng pulitika.
