BINIRA ni Senador Joel Villanueva ang plano ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na patawan ng buwis ang online seller habang namamayagpag ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na hindi nagbabayad ng buwis.
Sa pahayag, sinabi ni Villanueva na dapat unahin ng BIR ang malalaking isda kaysa sa maliliit na naghahanapbuhay dahil nawalan ng trabaho sanhi ng corona virus 2019 (COVID-19).
“Cast your tax nets on the big fish, not on the small fry,” ayon kay Villanueva.
Ayon kay Villanueva, dapat unahin ng BIR ang POGO na may utang na P50 bilyon sa pamahalaan na hindi kinokolekta kabilang ang mga ilegal na pasilidad nito na hindi nagbabayad ng buwis.
Sinabi ni Villanueva na maraming mamamayan ang nawalan ng trabaho kaya’t minabuti ng karamihan na magbenta ng kung anu-ano sa online upang kumita at maka-survive kaya’t ginamit ang social media at shopping apps.
“Alam po natin na kailangan ng ating gobyerno na kumolekta ng buwis. Unahin po natin yung mga napatunayan nang atrasado sa pagbabayad ng buwis. Hanggang ngayon, hindi pa rin nababayaran ng mga POGO ang utang nito na P50 bilyon na buwis sa atin. Sila ang dapat tinututukan ng BIR,” ayon kay Villanueva.
Sa halip, pinagsabihan ni Villanueva, chairman ng senate committee on labor, employment and human resources development, ang BIR na maglunsad ng malawakang information campaign upang magparehistro ang MSMEs at ipaalam ang benepisyo at buwis na ipapataw sa kanila.
“Under the TRAIN Law, a sole proprietorship earning Php250,000 or less is not subject to tax,” giit ng mambabatas.
“The government has seemingly bent over backwards in urging POGO firms to pay their unpaid taxes, but their call has fallen on deaf ears,” ayon sa mambabatas.
Bilang kondisyon upang makabalik sa operasyon, dapat bayaran ng POGOs ang kanilang utang na buwis kabilang ang notarized commitment na magbabayad ng arrears sa nakaraang taon alinsunod sa ipinalabas na BIR’s Revenue Memorandum Circular No. 46-2020 noong May 7, 2020.
Pero, makalipas ng dalawang linggo, inamin ni BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa sa media na walang POGO firms ang lumapit sa kanila upang magbayad ng utang.
“Dapat tutukan ng BIR ang pagkolekta ng utang na buwis mula sa mga POGO. Unahin po natin ang kapakanan ng mga kababayan natin,” giit pa niya.
Tatlong illegal operations ng POGO ang sinalakay ng mga awtoridad sa panahon ng lockdown sa Paranaque, Makati at Las Pinas, na may inarestong 450 dayuhan at nakakumpiska ng P7 milyong halaga ng cash at gadgets.
Sinalakay rin ng pulisya ang ilegal POGO operation sa Bacoor, Cavite at Quezon City ilang araw matapos isailalim sa general community quarantine ang Metro Manila. Umabot sa 240 dayuhan ang nadakip dito. ESTONG REYES
