BIR pinakilos ni Rep. Defensor ABS-CBN NAMUMURO SA TAX EVASION

PINABUBUSISI ng isang mambabatas sa Kamara ang buwis na binayaran ng ABS-CBN matapos lumitaw sa mga pagdinig ang posibleng tax evasion ng mga ito.

Inihalintulad ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang kakarampot na P110 hanggang P120 milyon kada taon na binabayaran ng Big Dipper gayung hindi umano bababa sa P2.6 bilyon ang kanilang kinikita.

“Ang binayaran mula 2016, 2017, 2018 at 2019 ay nasa vicinity ng P110 hanggang P120 milyon a year. Kung wala pong PEZA, ang dapat binabayaran ay nasa P700 to P800 milyon bawat taon, kada taon ang dapat mapupunta sa kaban ng ating bayan,” ani Defensor.

Dahil dito, inatasan ni Defensor ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na imbestigahan ang ABS-CBN sa posibleng tax evasion na nangyari lalo na’t ang Big Dipper at mga kumpanya sa ibang bansa ay pag-aari rin ng pamilyang Lopez.

“Kaya siguro nagka-interes ang ways and means committee dito dahil napakalaki ng pondo ang dapat napupunta sa ating gobyerno dahil in the end, ang sabi nga po natin, “in the service of the Filipino people” and what is the best service that we can give is to pay proper taxes so that we can give more school buildings, we can put up hospitals, we can put up roads for the farmers,” ani Defensor.

DEHADO

Para naman kay ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap, dehado ang mga ordinaryong taxpayer lalo na ang mga manggagawa dahil habang buong-buo ang kanilang binabayarang buwis na otomatikong kinakaltas sa kanilang suweldo ay nakakaiwas naman ang ABS-CBN na magbayad ng tamang buwis sa pamamagitan ng Big Dipper na pag- aari rin ng mga ito.

Pahayag ito ni Yap matapos matuklasan sa joint hearing ng House committee on legislative franchise at committee on good government and public accountability na nakakaiwas ang ABS-CBN sa pagbabayad ng tamang buwis dahil sa nasabing kumpanya na inirehistro ng mga ito sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA).

Lumabas sa pagdinig na kaya nakaiwas ang ABS-CBN dahil sa Big Dipper at mga kumpanyang itinatag ng mga ito sa tax haven countries tulad ng Luxembourg, Hungary at Cayman Islands.

Base sa sistema, ang Big Dipper ang siyang nagdi-distribute ng produkto ng ABS-CBN sa mga kumpanyang pag-aari rin ng pamilya Lopez tulad ng Global sa Hungary at iba pa na nakabase sa Cayman Islands at Luxembourg.

Lahat ng kita mula sa mga nabanggit na bansa ay inere-remit sa Big Dipper na ibibigay naman sa mga may-ari ng ABS-CBN at 5% lamang ang buwis na pinabayaran sa kanila bilang PEZA accredited company imbes na 30%.

DUMISTANSYA

Ayaw namang makisawsaw ng Malakanyang sa umiinit na usapin sa Kongreso kaugnay ng franchise renewal ng ABS-CBN.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, hindi nila maaaring panghimasukan ang usapin at ang tanging magagawa sa ngayon ay hintayin ang magiging pasya ng Kongreso.

So, sana po ay tingnan po natin kung ano ang magiging desisyon ng Kongreso, pero hindi po natin sila pupuwedeng panghimasukan. Bagama’t sigurado po ako na iko-consider din ng mga congressmen at senador iyong kapakanan na mawawalan ng mga trabaho,” lahad ni Sec. Roque.

Binigyang diin ni Sec. Roque na wala sa kamay ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kapangyarihan na mag-rewrite ng Saligang batas.

Nakalulungkot aniya subalit ang umiiral ngayon ay hindi maaaring makapagnegosyo ang broadcast company nang walang congressional franchise. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

182

Related posts

Leave a Comment