RIZAL- Arestado ang isang lalaki matapos pagbantaang papatayin at tutukan ng sumpak ang biyenan nito bandang alas-10:30 ng gabi noong Hulyo 5, 2025.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas “Jonathan,” 41, walang trabaho, may live-in partner, at nakatira sa Brgy. San Luis, Antipolo City sa lalawigan ng Rizal.
Ayon sa complainant, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng kanyang anak at manugang nito at nang lumapit ito upang awatin, siya naman ang binalingan ng suspek.
Nabatid mula sa pulisya, tinutukan ng suspek ang biktima ng isang improvised na baril (sumpak), pinagmumura at pinagbantaan na papatayin.
Sumaklolo naman ang isang saksi at naagaw nito ang sumpak sa lalaki ngunit patuloy pa rin umanong nagwawala at naging bayolente ang suspek.
Agad din silang humingi ng tulong sa mga barangay tanod at agarang naaresto ang suspek at nakumpiska ang sumpak, isang patalim at dalawang bala ng shotgun.
Sa kabila ng pagsisikap ng barangay na pag-ayusin ang magkabilang panig, bigong magkaayos ang mga ito kung kaya nagpasya ang complainant na ituloy ang kaso.
Pansamantalang nakakulong ang suspek sa custodial facility ng Antipolo City Component Police Station habang inihahanda ang kaso laban sa kanya.
Mahaharap si alyas “Jonathan” sa mga kasong grave threat, alarm and scandal, paglabag sa R.A. 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition) at paglabag sa B.P. Bilang 6 o Illegal Possession of Bladed Weapon.
(NEP CASTILLO)
