(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
KUKUWESTYUNIN ng ilang grupo sa Supreme Court ang mga blangko umano sa bicameral conference committee report kaugnay ng 2025 national budget.
Sa panayam ng Inquirer, sinabi ni Davao City Rep. Isidro Ungab na kasama siya sa mga mag-aakyat sa nasabing usapin sa Kataas-taasang Hukuman.
Nais umano nilang malaman kung paano napunan ng detalye ang mga blangko sa bicam report bago ito nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at naging national budget law.
“Considering that the P6.326-trillion GAA has already been signed by the President, there is no other recourse than to go to the Supreme Court. There are several groups who are going to the Supreme Court and I have manifested my intention to be one of the petitioners,” saad pa nito.
Nauna rito, isinapubliko ni Ungab kasama si dating pangulong Rodrigo Duterte, ang natuklasan ng una na umano’y 28 blankong entries sa bicam report, na nasa kabuuang 13 pahina at posibleng umabot sa bilyun-bilyong piso ang halaga.
“Pagtingin ko sa budget sa bicam report, which was sent to us through email, nakita ko na ‘yung blanko sa 11th page (SP 11). Na-shock ako, tiningnan ko muna na lahat. Actually, all in all, there are 13 pages, a total of 28 blank items, which will amount to billions of pesos,” ani Ungab.
