SUBSTITUTE BILL SA TEENAGE PREGNANCY INIHAIN SA SENADO

NANINIWALA si Senator Risa Hontiveros na walang epekto sa inihain niyang substitute bill ang pagbawi ng lagda ng pitong senador sa committee report ng Senate Bill 1979 o Prevention of Adolescent Pregnancy Bill nang humarap siya sa mga mamamahayag sa lingguhang Kapihan sa Senado. (DANNY BACOLOD)

ISINULONG ni Senador Risa Hontiveros ang pag-amyenda sa kontrobersyal na Senate Bill 1979 o ang proposed Prevention of Adolescent Pregnancy Act sa pamamagitan ng paghahain ng substitute bill.

Sa kanyang substitute bill ay inalis ang katagang guided by international standards ang comprehensive sexuality education at nilinaw na ang sasaklawin lamang ay mga may edad 10 hanggang 19-anyos.

Ang CSE ay i-integrate sa mga umiiral na programa ng DSWD, DepEd, DOH, at ito rin ay tatalakayin sa mga magulang sa mga PTA meeting.

Nakasaad din sa panukala ang pagbibigay ng social protection at serbisyo para sa pangangalaga sa kalusugan ng mga kapapanganak na batang ina at sa mga bagong silang na sanggol.

Samantala, bagaman bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagong bersyon, hindi naman nito masabi kung magbabago ang kanyang pananaw sa panukalang tutugon sa lumalaganap na teenage pregnancy sa bansa.

Ito’y matapos ihain ni Hontiveros ang substitute bill kasunod ng pagbawi ng ilang senador sa kanilang lagda sa committee report.

Ayon sa Pangulo, babasahin muna niya ang substitute bill at dito ibabase kung magbabago ang pananaw niya sa usapin. (DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)

54

Related posts

Leave a Comment