BLENDED LEARNING

MASYADONG maaga para sabihin na victorious tayo sa blended learning dahil kasisimula pa lamang ng sistema na pinilit gawin habang wala pang bakuna sa covid-19 na ikinalat ng China.

Hindi puwedeng sabihin na tagumpay ang sistemang ito dahil mayroong humigit kumulang na 3 milyong kabataang Filipino ang hindi nakapag-enroll ngayong school year.

Hindi ko masisisi ang mga magulang na ipagpaliban muna ang pag-aaral ng kanilang mga anak dahil kahit sabihin mo pang libre ang pag-aaral, mas malaki ang gagastusin nila kumpara sa dapat na tuition fees sakaling hindi libre ang edukasyon sa public school.

Magkano ang mumurahing laptop o tablet o smartphone na kailangang bilhin ng mga magulang para maipagpatuloy lang ng kanilang mga anak ang pag-aaral sa pamamagitan ng online.

May nagbibigay ng ­libreng gadgets sa mga ­estudyante pero hindi lahat ay nabibigyan. Kahit nga sa mga highly urbanized city hindi nabigyan lahat ng mga estudyante, eh di mas lalo na sa mga malalayong probinsya at mga nasa kabundukan.

Hindi pa dyan matatapos ang problema ng mga magulang dahil kailangang gumastos sila araw-araw para sa internet connection. Mas mahal yan kesa sa baon sana ng mga bata.

Magkano ang load nila para makakonek sila sa internet kada araw. Mas mahal ang internet fee kapag ­nagloload ka lang kumpara sa regular connection na buwanan ang bayad.

Kahit may pambayad ka kung mahina rin ang internet connection sa lugar nyo, hindi rin makakasabay ang mga anak niyo sa online classes kaya anong gagawin ng mga magulang lalo na yung nabibilang sa poorest of the poor at mga nasa malalayong probinsya na wala namang internet connection.

Kaya hindi ko masisisi ang mga magulang na hindi na in-enroll ang kanilang mga anak dahil sa kanilang kalagayan sa buhay.

Sigurado ako na walang magulang na hindi gugustuhin na hindi makapag-aral ang kanilang mga anak dahil tulad ng lahat ng mga tao, may ambisyon din sila sa buhay at nais nilang makaahon sa kahirapan.

Pero anong gagawin nila kung walang-wala talaga sila sa buhay? Uunahin pa ba nila ang pagbili ng mga gadgets at load sa internet bago ang kanilang sikmura? Hindi nila gagawin yan.

Malamang aantayin na lamang nila na magkaroon ng regular na klase sa loob ng silid aralan para hindi na sila kailangang gumastos ng malaki at siguradong may matutunan ang mga bata.

Bakit kasi ipinilit ang blended learning gayung marami ang nanawagan noon na ipagpaliban ng isang taon ang klase dahil iba pa rin ang face-to-face na pagtuturo kesa sa online education.

Aminin na natin, limitado ang pag-aaral ng mga bata sa online kumpara sa face-to-face na pagtuturo sa kanila.

Saka hindi naman ­siguro kawalan kung matigil ng isang taon ang mga bata sa pag-aaral.

Maraming ­matatagumpay na mga tao sa mundo ang hindi nakatapos sa tamang panahon.

Marami sa kanila ang naiiwanan ng kanilang batch pero mas marami sa kanila ang nagtagumpay kumpara sa mga naunang nagtapos sa kanila.

263

Related posts

Leave a Comment