KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI
SAYAW SA BUBOG. Awit ng bandang The JERKS tungkol sa EDSA pipol power. Ito ang liriko. “Buwan ng Pebrero; Buwan ng pagbabago; Anong klaseng pagbabago? Ano sa palagay mo?… Bumaha ng pangako; Lason ay isinubo; Tuloy sa pagkakapako; May utang, pati apo… Kasinungalingan; Isang kahangalan; Walang libreng Kalayaan; Ito’y pinagbabayaran”.
“Tuloy ang ligaya; Sa iba’t ibang hacienda; Manggagawa’t magsasaka; Kumakalam ang sikmura… Sari-saring kaguluhan; Nakawan, karahasan; Kailan n’yo titigilan?; Ang mga mamamayan…Kasinungalingan; Isang kahangalan; Walang libreng Kalayaan; Ito’y pinagbabayaran”.
“Palabas na moro-moro; Ito kaya ay totoo?; EDSA ng pagbabago; Saan, kailan, kanino?… Sayaw, sayaw, sayaw sa bubog; Ang naglalakad nang tulog; Ay tiyak na mauumpog”.
Malalim ang liriko ng awit na paulit-uli kong pinatutugtog habang binubuo ko ang kolum na ito. Kasabay namang bumabahid ang lungkot sa aking dibdib. Sayang ang pagkakataon, sabi ko na lang sa sarili ko. 40 na taon pagkatapos nating magbunyi sa EDSA, nagtagumpay nga ba tayo? HINDI. Lalo pang naging mas malala ang kalagayan ng ating bansa.
Hindi mawala sa akin ang panghihinayang. Isang pagkakataon sana ang kaganapan sa EDSA para magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa ating lipunan at gobyerno. Pero inalpasan natin ito. Nawala ang pagpapatuloy ng pakikibaka para makongkreto ang tagumpay. Ipinaubaya na lang natin ang direksyon ng bansa sa mga bagong diyos-diyosan na pumalit kay Marcos at kanyang mga kakutsaba. Nanood na lang tayo sa paglipas ng mga taon at nakukuntento sa taunang ritwal ng sentimentalismong pagbabalik-tanaw sa EDSA. Tsk, tsk, tsk.
##########
Maraming yugto sa dahon ng kasaysayan ng bansa ang nag-iwan ng makabuluhang aral upang maging gabay ng mga Pilipino para sa kanilang lubusang paglaya at pag-unlad. Ang problema, iba ang namamayaning mentalidad ng marami ngayon. Ginugunita lang natin ang yugto ng nakalipas sa pamamagitan ng taunang komemorasyon at dramatikong pagbabalik-tanaw. Dedma naman tayo sa kabuluhan at iniwang aral ng nakalipas.
Hindi sapat ang pagtuturo at pagbabalik-tanaw lang sa kasaysayan. Mas higit na magkakaroon ng kabuluhan ang nakaraan kung isasaksak din sa kukute ng mamamayan ang mahalagang leksyon na iniwan at isabuhay ang mga ito. Ang nangyayari ngayon, ipinagdiriwang ang EDSA pipol power na pinangingibabawan ng sentimentalismo subalit wala namang pakialam ang marami sa umiiral na kasalukuyang sitwasyon ngayon sa bansa na lubhang nakagagalit katulad noong panahon bago sumiklab ang kaganapan sa EDSA.
Kaya hungkag ang komemorasyon. Nawala ang saysay ng alaala ng kabayanihan ng mga nabuwal at nawala sa dilim sa mahabang panahon ng pakikibaka laban sa diktadura sa nakalipas na maraming taon. Sa sitwasyon natin ngayon, mas lalong higit ang pangangailangang buhayin ang militanteng diwa ng EDSA at ipagpatuloy ang pakikibaka para sa ating ganap na paglaya mula sa kuko ng mga gasgas na politiko at korap na mga opisyales ng pamahalaan.
Ang tanong? Kailan at paano? Muli kayang magkaisa ang mamamayan para sa layuning linisin at wakasan ang kabulukan sa gobyerno? Ito ang isang malaki st mabigat na hamon na kinahaharap natin ngayon. Batid nating lahat ang problema sa pamahalaan na dapat lutasin partikular ang malawak, garapal, at grabeng pandarambong sa salapi ng taong-bayan.
Pero tayo man ay problema rin. Hindi tayo magkaisa sa pagkilos. Iba’t ibang grupo. Hiwa-hiwalay. Mga nagpapatayugan ng ihi. Nagyayabangan na sila lang ang wasto ang linya at pamamaraan ng pakikibaka. May gustong gawin ang isa, ayaw naman ng iba. May isinusulong na kahilingan ang isa, kokontrahin naman ng iba. Ang resulta – tayo rin pala ay isang malaking problema. Hanggang hindi tayo nabubuklod ng isang matapat na dahilan, malabo tayong magtagumpay.
##########
May gusto lang akong liwanagin. Personal ito sa akin. Naniniwala ako na ang mga tunay na bayani sa likod ng matagumpay na pagpapatalsik sa rehimeng Marcos ay ang libo-libong aktibista at mga humawak ng armas na nagbuwis ng buhay sa mahabang panahon ng pakikibaka laban sa diktadura. Ang mga nangabuwal sa madugong larangan ng digmaan sa kanayunan gayundin ang marami pang hanggang ngayon ay patuloy na nawawala ang nagsilbing nag-aalab na apoy na tumupok sa kahibangan ni dating Pangulong Marcos.
Ang pakikibaka laban sa diktadura ni G. Marcos hanggang sa patalsikin ito ng EDSA pipol power ay hindi nagsimula noong paslangin sa Tarmac si G. Benigno Aquino Jr. noong 1983. Huwag nating pahintulutan na tuluyang baluktutin ang kasaysayan na wala raw bahid ng dugo (bloodless revolution) ang pagpapalaya ng sambayanang Pilipino sa tanikala ng pagkakagapos ng diktador.
Isa itong malaking pagtampalasan sa kadakilaan ng maraming militanteng kabataan, manggagawa, magsasaka, maralitang taga-lungsod, makabayang propesyunal at taong-simbahan na unang nagbuwis ng buhay at nagpaagos ng kanilang dugo sa ginawa nilang matagal na panahong pakikidigma laban sa bangis ng batas militar ng diktador. Purihin at saluduhan din natin sila.
##########
Balik muli tayo sa EDSA. Pagkatapos ng ilang araw na pagbabalik-tanaw, ano na ang kasunod na magaganap? Wala. Kanya-kanya na naman tayo. Opps! Hindi pala. Balik muli tayo sa pagmumura sa pamamagitan ng ating Facebook. Iinsultuhin ang mga korap na politiko at ipananalangin na mamatay na sila. Manggagalaiti sa galit sa gobyerno dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at mga pangunahing pangangailangan sa bahay. Hindi tumataas ang sweldo. Lalong nagmamahal ang presyo ng mga gamot kaya bawal magkasakit. At marami pang etseterang nakakukulo ng dugo.
At ang kinasasabikan ng marami – nag-aamoy eleksyon na naman ang paligid. Umuna na si VP Sara Duterte nang ideklara niya ang kanyang pagkandidato bilang pangulo sa 2028 election sa kabila ng apat na impeachment complaints – sentrong akusasyon ang multi-milyong pisong pandarambong sa pondo ng gobyerno – na inihain laban sa kanya na kung masisibak siya ay tapos na ang kanyang ambisyon kahit pa kapitan ng barangay.
Ang halalan ang siyang pinaka-ultimong shabu ng mga Pinoy. Marami ang nababaliw. Kanya-kanyang batikos, papuri, at sipsip sa puwit sa mga magkakatunggaling politiko. Nagsisimula na ang sirkus. Naglalabasan na ang mga payaso na magpapamanhid na naman sa kamalayan ng mga Pinoy.
Teka, paano na ang alaala ng EDSA? Muli siyang bubuhayin sa kasunod na taon sa isa pang walang silbing pagbabalik-tanaw. Kaya mo pa ba, Juan de la Cruz?
2
