BLUEPRINT SA PAGLUWAG NG TRAPIKO SA EDSA IPRINISINTA

edsabus12

(NI ABBY MENDOZA)

ISANG blueprint kung saan epektibo umanong masosolusyunan ang masikip na daloy ng trapiko sa kahabaan ng Edsa ang iprinisinta sa House of Representatives ni House Committee on Transportation Chair Edgar Mary Sarmiento .

Sa blueprint proposal ni Sarmiento ay iminumungkahi nito na  ang innermost lane ng EDSA ay magiging eksklusibo lamang sa mga bus na ang sistemang gagamitin ay gaya din ng Metro Rail Transit 3, ibig sabihin ang ruta ng mga bus ay gaya ng sa MRT at magbababa at magsasakay lamang  ito sa bawat istasyon din ng tren.

Ang outer lane o yellow lane ay mananatili para sa city buses subalit maglalaan ng isang kilometrong pagitan ng bus stops at hihigpitan ang loading at unloading ng mga pasahero bilang bahagi ng centralized dispatch system.

Ang express bus lane na mapakikinabangan ng MRT commuters ay mag-ooperate hanggang sa Parañaque Integrated Bus Terminal sa South habang sa Valenzuela naman sa North.

Samantala, ang nalalabing tatlong lane sa EDSA ay para naman sa lahat ng klase ng pribadong sasakyan na tatalima sa number coding scheme at papayagan lang na gumamit ng outer lane kapag liliko sa intersection.

Paliwanag ni Sarmiento, sa ganitong paraan ay maiiwasan ang pagkakanya-kanya ng mga bus na nakikipag-agawan ng pasahero, naghahabol, tumatambay at lumalabag sa overspeeding.

“We propose this to eradicate the ‘Kanya-Kanya System’ of the buses wherein they compete with each other creating chaos through overtaking, overspeeding, and overstaying. Puno man o hindi, lalarga po ang mga city buses dahil may schedule na po ang biyahe nila at hindi na sila makikipag agawan ng pasahero dahil hindi na commission-based ang kita kundi sahod na ang matatanggap ng mga drivers at konduktors,” giit ni Sarmiento.

Handa si Sarmiento na ilatag ang kanyang panukala sa DoTr at MMDA.

 

 

207

Related posts

Leave a Comment