BOC guidelines kasado na BODY CAMS PARA IWAS AREGLUHAN

HANDANG-handa na ang Bureau of Customs (BOC) sa pagpapatupad ng polisiyang magbibigay katiyakang walang magaganap na aregluhan sa mga inspeksyon at operasyong inilulunsad ng kawanihan.

Sa ipinalabas na Customs Memorandum Order 33-2021, inilatag na ng BOC ang mga panuntunan sa paggamit ng body cameras para sa mga miyembro ng kanilang Customs Police Authority at mga operasyon ng iba’t ibang tanggapan ng nasabing kawanihan.

Ani Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, obligado nang gumamit ang lahat ng kanilang operatiba sa tuwing may inspeksyon ng mga kargamento at operasyon laban sa mga tulisang dagat na higit na kilala bilang mga smugglers.

Sa ilalim ng nasabing memorandum order, magiging bahagi na ng mga kailangang isuot ng mga operatiba ang body cameras na magdo-dokumento ng lahat ng kaganapan sa mga inspeksyon at operasyong kaugnay ng controlled delivery, pagbabantay ng mga entrada ng pasilidad, pagtugis, inspeksyon sa mga tanggapan ng mga consignees, pag-aabang ng mga target na personalidad sa mga paliparan, at sa paglapag ng mga inaangkat na sasakyang karaniwang ikinukubli sa mga malalaking kargamento, mga parating na hayop, at maging sa tinatawag na boarding formalities, subasta, pagwasak ng mga kumpiskadong kargamento o bagahe, at sa mga isinasagawang non-intrusive at physical examination ng mga pumapasok at lumalabas na kalakal.

Mahigpit naman ang tagubilin ni Guerrero sa mga operatiba laban sa pagpapatay ng bodycams habang nasa gitna ng mga itinakda sa ilalim ng memorandum order.

Kailangan din aniyang isumite para sa pag-iingat at pagtatala ang mga video sa loob ng 24 oras mula ng isagawa ang inspeksyon at operasyon ng nasabing kawanihan. Gayunpaman, mayroon lamang 45 araw ang itatagal ng mga documented video footages na nahagip ng mga body camera – maliban na lamang kung kailangan ng korte o anumang lehitimong tanggapan para sa isang pagsisiyasat.

Pagtitiyak ng BOC commissioner, walang lalabaging karapatan sa ilalim ng data privacy act.

163

Related posts

Leave a Comment