BOC LEGAL TEAM BINUO PARA SA DISPOSISYON NG SECONDHAND CARS

Cagayan Economic Zone Authority

(Ni JOEL O. AMONGO)

Bumuo ng legal team ang Bureau of Customs (BOC) na siyang naatasang mag­rebisa sa posibilidad na pagdo-donate ng mahigit sa walong daang secondhand na mga  sasakyan na nasabat sa loob ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).

Naunang pinanindigan ng Korte Suprema ang constitutionality ng Executive Order No. 156, na nagbabawal ng importasyon ng mga secondhand vehicles sa bansa para palakasin ang local automotive industry at upang mapigilan ang smuggling.

Sa  isinagawang BOC Executive Committee Meeting (EXECOM) noong Agos­to 19, 2019, inireport ni District Collector Arienito  Claveria ng Port of Aparri, Cagayan  na ang ahensya ay nakipag-ugnayan sa CEZA management para sa disposisyon ng mga sasakyan na nasabat at nasa pangangalaga ng CEZA.

Magugunitang, sinabi  ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang nasabat na mga sasakyan ay ipamahagi sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang magamit kaysa sirain.

Ang pahayag ni Duterte, ay ginawa para matugunan ang kakulangan ng mga sasakyan ng iba’t ibang tanggapan ng gobyerno partikular ang mga nasa malalayong lugar.

Binigyang diin naman ni Deputy Commissioner Edward James Dy Buco ng BOC Assessment O­perations and Coordination Group (AOCG) na ang pagbuo ng legal team ay para mapabilis  ang pagtupad sa kautusan ng pangulo sa pagsasaayos at pamamahagi ng mga sasakyan sa mga kilalang opisina ng gobyerno na makikinabang tulad ng local government units (LGUs), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at iba pa.

Kaugnay nito, umaasa naman ang BOC na ang nasabing mga sasakyan ay magagamit pa ng maayos matapos dumating ang mga ito sa bansa limang taon na ang nakalilipas.

135

Related posts

Leave a Comment