GINAGAMIT umano ng mga sindikato ang alok na libreng biyahe o “fully sponsored tour” bilang pain sa pagrerecruit ng mga indibidwal na nagiging drug courier.
Ito ang babala ng Bureau of Customs (BOC) kasabay ng pagtaas ng mga kasong kinasasangkutan ng overseas Filipino workers (OFWs) sa drug trafficking.
Ayon sa BOC, kabilang sa mga modus ng sindikato ang pagrerecruit ng mga aplikante para sa trabaho sa ibang bansa, gaya ng domestic helper. May mga pagkakataon din umanong iniaalok ang free tour upang makumbinsi ang target na bumiyahe, kung saan pinaniniwalaang isinasama ang ilegal na droga sa kanilang bagahe nang hindi nila nalalaman.
Dahil dito, pinaigting ng BOC ang border control measures upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Mahigpit din ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa Department of Migrant Workers upang maipaabot sa mga OFW ang babala laban sa ganitong uri ng panlilinlang.
Binigyang-diin ni Commissioner Ariel Nepomuceno ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga OFW laban sa mga sindikatong nagsasamantala sa kanilang hangaring makapagtrabaho para sa pamilya.
(JOCELYN DOMENDEN)
4
